LUNGSOD NG MALOLOS — Arestado ng Malolos PNP Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang isang indibidwal na nagtutulak ng droga matapos mahulihan ng ilang pakete ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba sa Barangay Panasahan noong Huwebes (May 1).
Base sa ulat ni Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Hepe ng Malolos PNP, Huwebes ng madaling araw, matagumpay na nasakote ng kanyang mga tauhan ang hinihinalang sangkot sa iligal droga sa nasabing barangay na si Alyas “Mogu”.
Nakumpiska sa suspek ang 3 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang na humigit-kumulang 1.8 grams at may Standard Drug Price P12,240.00
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng maayos na pagpapatupad ng kapulisan ng Malolos sa kampanya kontra ilegal na droga at lahat ng uri ng kriminalidad upang tuluyang masugpo ang ipinagbabawal na droga, tungo sa maunlad na Bagong Pilipinas.
“Ang Malolos PNP ay patuloy na nananawagan sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang masugpo ang ilegal na droga sa ating komunidad,” ani Lt. Col. Geneblazo. (UnliNews Online)