LUNGSOD NG MALOLOS — Isinagawa ang groundbreaking ceremony ng isang five-story Level 2 hospital at Sports Complex and Convention Center na nakatakdang itayo sa Bulacan State University (BulSU) Malolos Main Campus 2 noong Martes (May 6) sa Barangay Dakila sa naturang lungsod.
Pinangunahan ni PAGCOR Chairman and CEO Alejandro H. Tengco katuwang sina BulSU President Teody San Andres, at Bulacan 1st District Rep. Danny Domingo at iba pang lokal na opisyal sa pagmarka ng pagsisimula ng isang transformative project na makakatulong sa pagpapalakas ng healthcare, sports development at edukasyon sa rehiyon.
“Ang limang palapag na Level 2 na ospital ay tutuparin ang matagal nang pangarap ng mga Bulakenyo para sa isang moderno at madaling mapupuntahan na pasilidad na medikal,” ani Tengco.

May inisyal na P200 milyon ng inilaan ng PAGCOR para sa proyekto na target na pagtatapos sa taong 2028.
“Ang pagsisikap na ito ay makakatulong sa Bulacan State University na maging isa sa pinakakilalang institusyong pang-edukasyon at medikal hindi lamang sa Gitnang Luzon kundi sa buong bansa rin,” saad ni Tengco.
Dagdag pa nito, “Dapat itong maging koronang kaluwalhatian ng unibersidad, at ikinararangal naming masaksihan at maging bahagi ng napakahalagang okasyong ito.”
Sinaksihan din ang naturang programa ni Department of Health (DOH) Bulacan Field Office Development Officer Emily Paulino na nagsabing target itong gawin na isang tertiary hospital na inisyal na papatakbuhin ng BulSU at mapapailalim kalaunan sa DOH kapag nakapagpasa ng isang statutory law o Republic Act gaya ng proseso na ginawa sa Joni Villanueva Medical Center sa Bocaue.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang mangangasiwa sa konstruksiyon na magiging simbulo ng pagpaprayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapatuoad ng Universal Health Care gayundin ang pamumuhunan para sa susunod na henerasyon ng mga medical practitioners. (UnliNews Online)