Wednesday, December 17, 2025
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsFernando, Castro, ’wagi ng landslide victory sa 2025 midterm elections

Fernando, Castro, ’wagi ng landslide victory sa 2025 midterm elections

LUNGSOD NG MALOLOS — Opisyal nang naiproklama noong Martes (Mayo 13), sina kasalukuyang Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alexis C. Castro bilang mga muling nahalal na Gobernador at Bise Gobernador ng Lalawigan ng Bulacan matapos ang kanilang landslide victory sa 2025 midterm elections.

Ang Provincial Board of Canvassers (PBOC) na binubuo nina Vice Chairman at Chief Provincial Prosecutor Ramoncito Bienvenido T. Ocampo Jr., Chairman at Provincial Election Supervisor Atty. Mona Ann T. Aldana-Campos, at Schools Division Superintendent ng SDO Bulacan na si Norma P. Esteban, ang opisyal na nagproklama sa dalawang pinakamataas na opisyal ng lalawigan sa isinagawang seremonya sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito kasunod ng pagtatapos ng canvassing ng mga boto kung saan nakakuha si Fernando ng kabuuang 1,117,893 boto, habang si Castro naman ay nakalikom ng 1,360,020 boto mula sa 20 bayan at apat na lungsod ng Bulacan, batay sa tala noong 12:35 ng tanghali kahapon.

Nagpasalamat si Gobernador Fernando sa mga Bulakenyo, na ngayon ay nakatakdang manungkulan sa kanyang ikatlo at huling termino, sa muling pagtitiwala sa kanya upang pamunuan ang lalawigan sa pinakamataas na posisyon.

“Sa mga Bulakenyo, maraming maraming salamat po. Una ang Diyos, pangalawa ang mga tao. Salamat at naniwala kayo sa amin. Gusto naming dalawa na manalo ng nakataas ang ulo at hindi nakayuko ang ulo – dahil ang tagumpay na ito ay hindi lamang sa amin, kundi sa buong lalawigan ng Bulacan. Patunay ito ng pagkakaisa natin sa iisang layunin na itaguyod ang isang maunlad, ligtas, at makataong pamahalaan,” ani Fernando.

Samantala, nagpahayag din si Bise Gobernador Castro, na muling nahalal para sa ikalawang termino, ng kanyang pasasalamat at muling tiniyak ang kanyang dedikasyon sa tapat at makataong paglilingkod.

“Alam naming hindi kami perpektong mga lingkod bayan. May mga pagkukulang din kami pero handa kaming makinig kung ano pa ang puwedeng i-improve. Motivated kami na mas paunlarin ang Lalawigan ng Bulacan, matulungan ang mamamayang Bulakenyo sa kanilang mga hanapbuhay, sa edukasyon, kalusugan, at ‘yung patuloy na laban natin sa maayos na serbisyo sa tubig ay ipagpapatuloy namin ng ating mahal na gobernador,” aniya.

Sa mga nakalipas na taon, pinangunahan nina Fernando at Castro ang mga makabuluhang reporma at programa sa kalusugan, edukasyon, imprastraktura, kahandaan sa sakuna, at mabuting pamamahala—mga patunay ng matibay na suporta ng mga Bulakenyo sa kanilang pamumuno at pananaw para sa lalawigan.

Dinaluhan din ang proklamasyon ng kanilang mga kaanak, lokal na opisyal, pinuno ng mga tanggapan, tagasuporta, at mga kinatawan mula sa Commission on Elections. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News