CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Ipinakita ng Bulacan Police Provincial Office sa pangunguna ni Col. Franklin P. Estoro, Officer-In-Charge ang mga kagamitang pangresponde sa kalamidad, upang matiyak na ang lahat ng kagamitan ay nasa maayos na kalagayan at handang tumugon sa oras ng pangangailangan.
Ang BulPPO na nakilahok sa PNP-Wide Annual Inspection of Disaster Response Equipment noong Miyerkules (May 21, 2025). Ang naturang gawain ay hudyat ng pormal na pagsisimula ng mga paghahanda para sa panahon ng tag-ulan at sa mga darating na kalamidad.
Ayon kay Col Estoro, “hindi matatawaran ang kahalagahan ng inspeksyong ito. Isa itong maagap na hakbang na alinsunod sa direktiba ng Hepe ng Pambansang Pulisya, Police General Rommel Francisco Marbil na siya ring Tagapangulo ng PNP Critical Incident Management Committee.”

“Ang gawaing ito ay patunay ng ating sama-samang hangarin na mapangalagaan hindi lamang ang kapakanan ng ating mga tauhan kundi maging ang buhay at ari-arian ng mga komunidad na ating pinaglilingkuran,” dagdag pa ni Estero.
Ang kahandaan ay isa sa mga haligi ng epektibong pagtugon sa kalamidad. Sa pagtiyak na maayos ang kondisyon ng ating kagamitan, pinatitibay natin ang ating kakayahang tumugon nang mabilis at tama sa panahon ng sakuna.
“Paalala rin ito na ang ating tungkulin bilang mga alagad ng batas ay hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas kundi maging sa paghahanda, pagtugon, at pagbangon mula sa mga kalamidad,” pagtatapos ni Estero. (UnliNews Online)