CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Kapwa rehas na bakal ang kinasadlakan ng dalawang lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa isinagawang operasyon ng Sta. Maria police Sabado ng hapon (May 31) sa Brgy. Sta. Clara, Santa Maria, Bulacan.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Franklin P. Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan PPO, kinilala ang mga suspek na sina alias “Del” at alias “Pablo”.

Batay sa imbestigasyon, isang tawag mula sa concerned citizen ang natanggap ng Sta. Maria MPS hinggil sa isang kahina-hinalang itim na Nissan Navarra na paikot-ikot sa Brgy. Sta. Clara.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Sta. Maria police at nakita ang nasabing sasakyan sa Sta. Clara Road. Subalit bago pa man makalapit ang mga awtoridad, binangga ng mga suspek ang unahang bahagi ng mobile patrol car at tumakas patungong Brgy. Poblacion. Isinagawa ang habulan na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek 1 Kimber cal. .45 pistol na may serial number 125964, pitong bala ng cal. .45, isang stainless magazine ng cal. .45, isang Smith & Wesson cal. .38 revolver na may serial number BBH3768 na naglalaman ng 6 na bala, at ang mismong sasakyan na isang itim na Nissan Navarra na may plakang NOH147.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong Direct Assault at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na may kaugnayan sa Omnibus Election Code dahil sa umiiral na gun ban. Sila ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Maria MPS para sa kaukulang disposisyon.
Muling nananawagan si Col. Estoro sa publiko na agad i-report ang mga kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa buong lalawigan. “Hindi tayo magdadalawang-isip na arestuhin ang sinumang lalabag sa batas at magtatangkang gambalain ang katahimikan ng ating komunidad,” aniya. (UnliNews Online)