LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Hindi lang dapat ituring ang mga kabataan o ang bagong henerasyon ng mga Pilipino, bilang ‘pag-asa ng bayan’ sang-ayon sa mga naunang naisulat ng bayaning si Dr. Jose P. Rizal.
Makatwiran na maging pananaw na ngayon, na ang mga kabataan ay dapat maaasahan na ng bayan. Iyan ang tinuran ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero nang pangunahan niya ang Ika-127 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa patio ng makasaysayang simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Ipinaliwanag niya na ginagamit lamang ang salitang ‘pag-asa’ sa mga bagay o punto na hinuhubog pa lamang at sa panahon na paparating pa lang. Hindi na aniya dapat antayin pa ang hinaharap para matamo ang dapat na maging mga biyaya ng Kalayaan sa kasalukuyan.
Katunayan, hinalimbawa ni Senate President Escudero ang mga pangunahing bayani ng bayan na nakaganap ng tungkulin sa panahon ng kanilang kabataan.
Una na rito si Rizal na 35 taong gulang nang ipinabitay ng mga Kastilang prayle noong Disyembre 30, 1896 dahil sa kasong sedisyon. Bunsod ito ng isinulat niyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo laban sa mga pang-aabuso ng simbahan at katiwalian ng pamahalaang kolonyal noong siya’y 26 taong gulang.
Nasa edad na 34 si Andres Bonifacio nang paslangin sa pagtupad sa pagiging Supremo ng Haring Bayang Katagalugan. Nanumpa naman bilang pangulo ng Unang Republika ng Pilipinas si Emilio Aguinaldo noong siya’y 29 taong gulang.
Habang 24 taong gulang si Gregorio Del Pilar nang mamatay sa pagtatanggol sa Unang Republika na noo’y nagkakanlong sa Pasong Tirad sa noo’y bayan ng Concepcion, Ilocos Sur.
Binigyang diin ni Senate President Escudero na kung tunay nang magiging maaasahan ng bayan ang mga kabataan, marahil ay ito na ang susi upang hindi dapat maging isang ‘napabayaang paraiso’ ang Pilipinas dahil sa pagkakagalitan, gaya ng naisulat ni Rizal sa ilan sa kanyang mga nobela.
Ipinaliwanag niya na bagama’t iyon ang naisulat ng ating bayani noong panahon na hindi pa malaya ang Pilipinas, makatwiran aniya na mas hanapin kung saan at anu-ano ang uubrang mapagkasunduan sa halip na pagtuunan ang mga bagay na magdudulot ng pagkakawatak-watak.
Sa panahon aniya na katatapos lamang ng halalan na nagdulot ng labis na pagkakahati-hati, kinakailangang makausad na muli ang bansa para sa kapakanan ng mga bagong henerasyon ng mga Pilipino. Kung magkagayon, magiging ganap ang pagiging ‘paraiso’ ng Pilipinas na may pantay na oportunidad sa lahat na matamo ang mga biyaya ng Kalayaan taglay ang tunay na pagkakaisa.
Kinatigan naman ito ni Gobernador Daniel R. Fernando na nagsabing nasa kasalukuyang henerasyon ang responsibilidad upang pangalagaan at panatilihin ang Kalayaan ng bansa. Panahon na rin aniya na baguhin ang ugali ng ibang mga Pilipino na kayang pangibabawan ng salapi kapalit ng prinsipyo.
Samantala, muling iginiit ni Malolos City Mayor Christian D. Natividad na dapat mas kilalanin na pambansang pistal opisyal ang Araw ng Pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas, na nagbunsod pagkatapos ng proklamasyon ng Kalayaan, sa halip na ipagdiwang ang pagpapalit ng kalendaryo ng ibang lahi.
Hindi aniya isang katapatan sa mga bayani at sa kalayaan na kanilang ipinaglaban kung magpapatuloy ito at hindi rin aniya magandang kamulatan sa mga kabataan na hangad nating maging maaasahan ng bayan.
Source: PIA Bulacan