LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Malolos police ang 2 tricycle drivers na sangkot sa iligal na droga noong Huwebes (June 19) bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra droga sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Franklin P. Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan PPO, kinilala ang mga naarestong suspek na sina Alias Taytong, 41 taong gulang, at Alias JB, 49 taong gulang, kapwa tricycle driver at residente ng Brgy. Bulihan, Lungsod ng Malolos.
Inaresto ang mga hinihinalang nagbebenta ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Malolos CPS bandang alas-9:00 ng gabi sa Sitio Bliss, Brgy. Bulihan sa nabanggit na lungsod.
Nakuha sa mga suspek ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P136,000.00.
Bukod dito, nakumpiska rin mula kay alias Taytong ang isang caliber .38 revolver na may lamang dalawang bala at isang 500.00 bill na ginamit sa transaksyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya himpilan ng pulisya ang mga naarestong suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng Article II ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at sa kaso ng operasyon sa Malolos CPS, kabilang ang kasong Section 28 ng R.A. 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition), na isasampa sa Office of the City Prosecutor ng Malolos.
Ang mga operasyong ito ay patunay ng matibay na dedikasyon ng Bulacan PNP sa pamumuno ni Col. Estoro, sa pagsugpo sa iligal na droga at sa patuloy na pagbibigay ng ligtas na pamayanan para sa mamamayan ng Bulacan. (UnliNews Online)

