SA nangyayaring labanan ng Israel at ng Iran ay napatutunayan ng buong mundo na ibang klase na ang giyera ngayon. Hindi gaya ng digmaan noong araw na face to face ang labanan ng magkakatunggaling mga sundalo. Short at long firearms ang gamit noon ng naglalabang mga pangkat at malakasan na ang labanan kapag gumamit na ng kanyon, machine gun, tangke at mortar ang magkalabang bansa.
Sa panahong ito na mataas ang antas ng teknolohiya kung giyera ang pag-usapan, ang Pilipinas ay napag-iwanan na ng mga mauunlad na bansa. Sa katunayan, ngayon pa lang pinalalakas ang ating hukbong sandatahan. Ang ating mga barkong pandigma ay iilan at mayroon man tayong makabagong warship ang dalawang frigates na BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna, na pawang armado ng missiles. Gayundin ang dalawamg corvettes ang BRP Miguel Malvar at BRP Diego Silang na kasalukuyang nasa South Korea at paparating na sa Pilipinas na parehong guided missile din.
Napapanood naman natin sa iba’t ibang social media platforms ang mga pangyayari sa Iran at Israel. Napanood natin kung paano pinaulanan ng sandamakmak na missiles ng Iran ang Israel. Mayroon namang missile interceptors ang Israel ang iron dome pero may nakakalusot pa rin missiles ang Iran na tumatama sa civilian populated area ng Israel dahil na rin sa dami ng ballistic missiles na pinalilipad ng Iran.
Kung ang labanan sa giyera ay ang pagpapalipad ng mga missiles hindi tayo puwedeng makipagdigmaan sa mga bansa na malalakas ang kanilang armed forces at sopistikado ang kanilang mga sandatang pandigma tulad ng China. Paano nga kaya kung ang iringan ng Pilipinas at China tungkol sa West Philippine Sea ay mauwi sa komprontasyon ano ang ipanlalaban natin sa libo-libong missiles ng China?
Ang Esrados Unidos ay naglagay ilang missiles sa Pilipinas at dahil dito, nagalit ang China. Lalo lang daw pinalalala ni Uncle Sam ang sitwasyon. Ganyan naman talaga ang China lalo pa’t may hadlang sa kanila na tuluyang sakupin ang West Philippine Sea at igiit ang kanilang nine-dash line map na halos umabot sa mga dalampasigan ng Pilipinas sa kanlurang bahagi nito.
Sa madaling salita, hindi pa tayo handa sa makabagong estilo ng digmaan ang pagpapalitan ng missiles kaya huwag ipagpapalaki ang ating military assets dahil hindi natin kayang tapatan ang lakas ng militar ng China. Huwag ding masyadong umasa sa America dahil kapag andyan na ang giyera ay wala tayong magagawa. Meron ba tayong mga bomb shelter? Wala kaya huwag nang mag-ingay dahil pawang mga bubong ng bahay ang ipananangga natin kapag may nagpaulan ng missiles.
Sa huling kaganapan ay may pahayag si US President Donald Trump sa posibleng ceasefire sa pagitan ng Iran at Israel. Wala pang kumpirmasyon ang Iran lalo pa at nagpalipad sila ng missiles sa Qatar na ang target ay ang base militar ng America sa nasabing bansa. Mabuti na lang at walang naiulat na nasaktan sa nasabing pambobomba dahil na intercept ng Qatar at ng American forces ang missiles ng Iran. (UnliNews Online)