LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Sa patuloy na pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga, 4 na hinihinalang nagbebenta ng shabu ang naaresto habang nasa halagang P472,600.00 ang nakumpiska ng Malolos PNP Station Drug Enforecement Unit (SDEU) sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Ligas noong Huwebes ng gabi (June 26).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Chief of Police ng Malolos City Police Station, kinilala ang mga naaresto na sina alias Romeo, Ros, Romy, at Akihiro, pawang mga residente ng nasabing barangay.
Narekober mula sa 4 na suspek ang 12 plastic sachets na naglalaman ng suspected shabu at tumitimbang ng 69.5 grams. May estimated street value na P472,600.00.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng Malolos PNP at sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).
“Ang matagumpay ng nasabing operasyon ay bahagi ng patuloy na kampanya ng kapulisan ng Malolos laban sa iligal na droga. Patuloy tayong magtulungan upang masugpo ang salot na ito sa ating lipunan,” ani Lt. Col. Geneblazo.
Ang serye ng mga operasyon ng Bulacan police sa pangunguna ni P/Col. Angel L. Garcillano, Acting Provincial Director, sa ilalim ng pamumuno ni P/Brig. Gen. Ponce I. Peñones Jr., Regional Director ng Police Regional Office 3, ay nagpapakita ng kanilang matatag na paninindigan sa pagsugpo sa ilegal na droga.
“Sa pamamagitan ng mga pinaigting na operasyon, matagumpay na naaresto ang ilang mga drug suspect, na nagpapatunay sa masigasig na kampanya ng kapulisan upang mas mapatatag ang kaayusan at kapayapaan sa lalawigan,” ani Col. Garcillano. (UnliNews Online)