LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Tinatayang nasa P106,760.00 halaga ng shabu ang nasamsam ng Malolos PNP Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa limang hinihinalang tulak ng iligal na droga sa isinagawang drug bust operation sa Barangay Matimbo noong Lunes ng gabi (June 30).
Ayon sa report ni P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Chief of Police ng Malolos City Police Station, naaresto ang limang drug suspect na nakilalang sina alias “Espi,” “Lyn,” “Josh,” “Dennis,” at alyas “Mark,” sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Matimbo, bandang alas-6:30 ng gabi noong Lunes.
Nakuha mula sa mga suspek ang labing-isang plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 15.7 gramo at may street value na P106,760.00.
Ang mga nakumpiskang droga ay agad na dinala sa Provincial Forensic Unit para sa kaukulang examination.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng Malolos PNP at sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).
Ang Kapulisan ng Malolos ay patuloy na nananawagan sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang masugpo ang ilegal na droga sa ating komunidad. (UnliNews Online)