CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasamsam ng Bulacan Police ang tinatayang halagang P389,776.00 na halaga ng shabu mula sa 10 suspek sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations na isinagawa noong Huwebes (July 3), bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng lalawigan laban sa ilegal na droga.
Sa ulat na isinumite kay Col. Angel L. Garcillano, Acting Bulacan Provincial Director, naaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Balagtas MPS ang isang high-value individual na kinilalang si Alias Jasper, 49 taong gulang, construction worker, at residente ng Brgy. Caingin, Bocaue, Bulacan.
Nahuli ang suspek matapos nitong ibenta ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu sa isang undercover operative kapalit ng marked money sa isinagawang drug buy-bust operation sa Brgy. Borol 1st, Balagtas, Bulacan bandang 11:20 ng gabi noong Hulyo 3, 2025.
Nasamsam mula sa suspek ang 4 na plastic sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 50 gramo at nagkakahalaga ng humigit-kumulang P340,000.00.
Samantala, sa mga isinagawang hiwalay na operasyon ng mga Station Drug Enforcement Unit ng Meycauayan CPS, San Rafael, San Miguel, at Guiguinto MPS, 9 na drug peddlers ang naaresto. Nakuha sa kanila ang kabuuang 14 na heat-sealed plastic sachets ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P49,776.00.
Bukod dito, nakumpiska rin mula sa mga suspek ang isang piraso ng plastik na sachet na may bakas ng shabu, 1 piraso ng aluminum foil strip na may bakas ng shabu, 2 piraso ng improvised aluminum foil pipe na may bakas ng shabu, 2 disposable lighters, at buy-bust money.
Ang lahat ng mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya ay itinurn-over sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa masusing pagsusuri habang ang kaukulang kaso para sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ay isasampa laban sa kanila sa Tanggapan ng Provincial Prosecutor sa Lungsod ng Malolos.
Sa ilalim ng matatag na pamumuno ni Col. Garcillano, ay nananatiling pursigido sa pinaigting na kampanya kontra kriminalidad. Sa tuloy-tuloy at walang humpay na mga operasyon, aktibong tinutugis at inaaresto ng kapulisan ng Bulacan ang mga sangkot sa ilegal na droga at ilegal na sugal—isang patunay ng di matitinag na paninindigan upang pangalagaan ang buhay, kapakanan, at seguridad ng bawat Bulakenyo. (UnliNews Online)