Monday, August 4, 2025
Amana Water Park
HomeNational NewsCayetano, naghain ng 10 panukalang batas para sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso

Cayetano, naghain ng 10 panukalang batas para sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso

PARA SA PAMILYANG PILIPINO AT SA SUSUNOD NA HENERASYON

NAGHAIN si Senator Alan Peter Cayetano nitong Huwebes ng sampung (10) pangunahing panukalang batas sa pagpasok ng Ika-20 Kongreso na layong palakasin ang serbisyo ng gobyerno, itaguyod ang Filipino values, at tiyaking may maayos na kinabukasan ang mga pamilyang Pilipino at ang susunod na henerasyon.

Saklaw ng mga ito ang edukasyon, kalusugan, paggawa, disaster response, seguridad, at social welfare — mga sektor na ayon kay Cayetano ay kailangang tutukan para mapaghandaan ang mga pagsubok ngayon at bukas.

Pinakauna sa listahan ang Filipino Identity in Values Act na layong palakasin ang values formation at civic responsibility sa pamamagitan ng pagtatatag ng Commission on Filipino Values at Inter-Faith Council na mangunguna sa mga programa sa values education.

“Our development must be anchored in our cherished core values: faith in God, bayanihan, and the honor and respect we give to our elders and family,” wika ni Cayetano sa explanatory note ng panukala.

Sunod dito ang Makakapagtapos Ako Act na magbibigay ng buwanang allowance sa mga senior high at college students sa public schools para sa pamasahe, internet, at iba pang gastos sa pag-aaral — upang siguradong makapagtapos sila.

Kasama rin ang EDCOM III Act na co-authored nina Senators Pia Cayetano, Francis “Chiz” Escudero, at Joel Villanueva, na layong ayusin at pag-isahin ang mga polisiya ng DepEd, CHED, at TESDA.

Para sa mga manggagawa, naghain si Cayetano ng LabCom Act na bubuo ng isang joint body na titingin sa living wage at mga long-term solusyon sa job insecurity at wage inequality.

Sa disaster response naman, nakatutok ang Emergency Response Department (ERD) Act sa paglikha ng isang full-time na ahensya na mamamahala sa mga emergency at magpapatakbo ng 911 hotline.

Nariyan din ang Trust Fund for the Abandoned, Neglected, or Voluntarily Committed Child Act na bubuo ng savings system para sa mga batang inaalagaan ng gobyerno upang may baon silang puhunan pagdating sa tamang edad.

Isinusulong din ni Cayetano ang Center for the Elderly in All Cities and Municipalities Act para magpatayo ng mga wellness center sa bawat lungsod at bayan para sa mga senior citizen — may livelihood, check-up, at community programs. Inspirado ito ng mga programa ng Lungsod ng Taguig para sa senior citizens.

Para sa peace and order, inihain ni Cayetano ang AFP and PNP Camp Development Fund Act na maglalaan ng P10 bilyon kada taon sa loob ng limang taon para i-upgrade ang mga kampo at pasilidad ng AFP at PNP — kasama ang barracks, training centers, clinics, CCTV, at internet infrastructure.

Sa ilalim naman ng Anti-Online Gambling Advertisement Act of 2025, ipinapanukala ni Cayetano na ipagbawal ang lahat ng advertisement ng online gambling sa TV, radyo, social media, at outdoor ads.

Katuwang ito ng panukala ni Senator Pia Cayetano na Ban on Online Gambling Act, kung saan siya rin ay co-author, na layong ipatigil ang mismong operasyon ng online gambling sa bansa — lokal man o offshore.

“It is our duty as God-fearing people to raise future generations in a morally upright environment,” wika ni Senator Alan.

Nasa listahan din ang Health Passport System Act na magtatayo ng digital at physical ID para mapadali ang access sa health services, lalo na para sa senior citizens, PWDs, at may malalang kondisyon.

Ayon kay Cayetano, ang mga panukalang ito ay nakaangkla sa Filipino values at nakatuon sa tunay na pangangailangan ng mamamayan at bahagi ng kanyang adbokasiya na “honor God, build communities, and transform the nation.” (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News