SA panahong ito ay tila ningas-cogon ang pagpapatupad ng curfew sa kabila ng umiiral na ordinansag pambarangay, pambayan, at panglungsod na nagbabawal sa mga menor de edad na gumala sa lansangan mula alas diyes ng gabi hanggang alas kuwatro ng madaling-araw.
Sinulat ko ang ganitong paksa dahil sa muling pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad sa Lungsod ng Maynila, na kung daan ay higit sa 90 menor de edad ang nahuli nitong Hulyo 3 ng gabi sa bagong administrasyon ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, alinsunod sa City Executive Order No. 2 na nilagdaan ni Yorme.
Mabuti nga at para lang sa mga menor de edad ang curfew sa kasalukuyan hindi katulad noong panahong umiiral ang batas mulitar o martial law sa Pilipinas noong dekada 70. Ang curfew noon ay hindi lang para sa mga bata kungdi maging sa mga tao nasa hustong gulang.
Kaya talagang displinado ang mga tao noon. Pagsapit ng ika-sampu ng gabi wala nang makikitang mga tao sa kalsada at lalong walang makikitang umpukan ng mga taong nag-iinuman. Madalang na rin ang mga sasakyang dumadaan. Ang mga trabahador na inaabot ng gabi ay may permit na dala upang kahit sila ay sitahin ay ipapakita lang sa mga otoridad ang papeles na sila ay night shift worker.
Noon kasi ay nagkakasanib pa sa operasyon ang pulis at konstable na kung tawagin noon ay PC-INP (Philippine Constabulary, Integrated National Police). Sa aming lugar kapag kaming magkakabarkada na pawang kabataan pa noon ay inabot ng curfew sa kalsada, kapag may natanaw namin sa di-kalayuan na ilaw ng sasakyang parating ay kanya-kanya na kaming tago sa punongkahoy at pagkalampas ng patrol car ay kumakaripas kami ng takbo pauwi sa aming mga bahay dahil may kasunod pang patrol na paparating.
Nakakatakot kasi na mahuli ng mga otoridad dahil sa kampo ng PC dinadala ang mga nahuhuling lumabag sa curfew. Dalawang yunit kasi ang nagpapatrulya sa kalsada noon, ang grupo ng INP at grupo ng PC. Doon sa kampo umano mananatili ng magdamag ang mga offenders kapag PC ang nakahuli sa nagsilabag at ang penalty ay maghahawan umano ng damo sa palibot ng kampo ayon sa kwento. Kapag pulis naman ang nakahuli ay sa istasyon ng pulis lang dinadala at magko-community service kinabukasan.
Ang maganda pa noon, ay wala kang katatakutang adik at masasamang-loob sa lansangan dahil ang mga siga-siga noon ay pawang bahag ang mga buntot. Sa curfew pa lang nanginginig na sila sa takot na mahuli kaya malaya at ligtas na nakakapaglakad sa gabi ang mga mamamayan during martial law time huwag lang magpaabot ng curfew hour.
Ngayon naman, may curfew ngang naturingan, hindi naman ipinatutupad sa maraming lugar sa Pilipinas. Kung maisipan lang ang pagpapatupad. Kaya maraming kabataan ngayon ang inaabot ng hatinggabi sa lansangan na naglalaro ng online games at online-sugal. Malayang nakakapag-inuman ng alak at hindi sila natatakot na lumabag sa curfew dahil wala namang manghuhuli sa kanila.
Mayroon namang existing ordinance para sa curfew ang mga munisipalidad kaya ang dapat lang ay paigtingin ang pagpapatupad ng batas. Kaya lang nagiging laro na lang sa mga kabataan sa barangay ang magtago sa mga nagpapatrulyang tanod. Alam kasi nila ang oras ng patrulya kaya nakakapagtago sila kapag dumadaan ang barangay patrol at muling iistambay sa kalye kapag wala ng nagpapatrulya. Hindi rin sila gumagawi sa lugar na mayroong CCTV camera para hindi sila mamonitor. (UnliNews Online)

