CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ng pulisya ang pangunahing suspek sa pagpatay noong Hulyo 9 (Miyerkules) sa isang 54-anyos na kontratista sa Lungsod ng San Jose del Monte, ani Col. Angel Garcillano, acting Bulacan police director noong Sabado (July 12).
Kinilala ni Col. Garcillano ang biktima na si alias “Jovito,” na namatay dahil sa tama ng bala ng baril dakong alas-3:30 ng hapon ng nasabing araw sa Area D, Barangay Paradise III sa nasabing lungsod habang ang suspek na isang farm helper ay itinago sa pangalang alias “JM,” 29-anyos, residente ng nasabing sa barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon, iniulat ng isang testigo na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek sa nabanggit na araw at nang bumalik ang una sa kanyang bahay ay sinundan ng huli at may narinig na putok ng baril.
Nanahimik ang saksi tungkol sa kanyang nakita hanggang sa sumunod na araw na pinangunahan ng mga imbestigador ng pulisya na isailalim ang suspek sa paraffin test na nagresultang positibo sa mga residue ng pulbura.
Sa huli ay inamin ng suspek ang krimen at ibinulgar kung saan itinago ang baril na ginamit niya sa pagpatay sa biktima at kalaunan ay inaresto at inilagay sa kustodiya ng lokal na pulisya.
Narekober ng pulisya ang .45 caliber pistol na may Serial Number BA19688-08-246 na may magazine na kargado ng apat na live na bala habang nahaharap ngayon sa kasong murder ang suspek.
Pinuri naman ni PD Garcilano ang mabilis na aksyon at determinasyon ng SJDM Police, aniya, “Ang kasong ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng maagap na aksyon ng pulisya at pakikipagtulungan ng komunidad. Ang mabilis na pagkakaaresto at pagbawi ng ebidensiya ay patunay ng aming dedikasyon na makamit ang hustisya.” (UnliNews Online)