LUNGSOD NG MALOLOS — Tinatayang nagkakahalaga ng higit P21 milyon at nasa 400,000 piraso ng butane canister na nakasilid sa halos 4,000 ang kinumpiska ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Regional Field Unit 3 noong Martes ng hapon (July 15) sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan.
Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng CIDG Region 3, kasama ang Regional Special Operations Group at Sta. Maria MPS, ang warehouse sa Brgy. Pulong Buhangin, dakong alas-3 ng hapon noong Martes dahil sa ilegal na pag-iimbak ng mga butane canister.
Ayon kay P/Lt. Mark Louie Tamayo, assistant chief ng CIDG RFU 3 Investigation Section, nagsagawa sila ng mga serye ng surveillance at validation sa lugar at positibo nilang napag-alaman ang presensiya ng mga butane canisters sa posesyon ng kanilang respondent.
Nag-ugat ang raid matapos dumulog sa CIDG ang abogado ng complainant kaugnay ng sinasabing pag-ho-hoard ng warehouse sa mga butane canister na nagmula pa sa Cebu at Mindanao.
Paliwanag ng legal counsel ng complainant na si Atty. Vincent Roel Tabuñag, milyon-milyon ang nawala sa kanilang kita dahil nawawala ang kanilang butane canisters sa ilang dealer at distributor sa mga lugar ng Visayas at Mindanao na dapat ay umiikot lang sa merkado ang kanilang produkto dahil refillable ang mga ito.
Ito rin ang kadalasang ginagamit ng mga restaurants, street vendors, at sa mga kabahayan bilang alternatibo at mas murang bersyon ng LPG tank sa Visayas at Mindanao.
Sa ngayon, pansamantalang itatago sa safe storage facility ng CIDG ang mga nakumpiskang butane canister.
Nahaharap sa patong-patong na reklamo ang limang sangkot na indibidwal dahil sa paglabag sa RA 623 na inamyendahan ng RA 5700, o Hoarding and Possession of Butane Canisters Protected by Law, Trademark Infringement at Unfair Competition. (UnliNews Online)
Source: MB/Hataw

