Monday, August 4, 2025
Amana Water Park
HomeOpinionAUTHOR'S VIEWPOINTNever ending story ng tunnel ng NLEX sa Brgy. Sipat

Never ending story ng tunnel ng NLEX sa Brgy. Sipat

TUWING panahon ng habagat, ang tunnel ng North Luzon Expressway (NLEX) sa barangay Sipat, sa bayan ng Plaridel, Bulacan ay napupuno ng tubig tulad na lamang nitong nangyaring sunod-sunod na pag-ulan dulot ng habagat na pinalakas ng tatlong bagyo na pumasok sa Philippine Area of responsibility na nagpalubog din naman ng maraming bayan at siyudad sa Bulacan.

Dito muna tayo sa istorya ng tunnel ng NLEX sa barangay Sipat. Ang lokasyon nito ay nasa boundary ng barangay Dampol at Sipat at kung hindi ako nagkakamali ay may limang dekada na ang tunnel na ito mula nang ito ay itayo ng noo’y Construction and Development Corporation of the Philippines (CDCP).

Ang barangay road ng Sipat at Dampol ng dekadang iyon ay rough road pa na kung tag-ulan ay nagpuputik at kung tag-araw naman ay umaalimbukay ang alikabok kapag may dumadaang sasakyan kaya nang simulan ang konstruksyon ng nasabing tunnel ay rough road pa ang kalsada na tinayuan ng tunnel kaya ang vertical clearance ng tunnel mula sa slab sa itaas hanggang rough road ay sapat para madaanan kahit ang matataas na behikulo. Nakakadaan pa noon ang ang matataas na dump truck at box truck sa tunnel.

Matatandaan na noong dekada 80, ay ipina aspalto ng noo’y alkalde ng Plaridel Gerardo San Diego, ang barangay road ng Sipat at Dampol, kaya ang vertical clearance ng tunnel ay nabawasan. Sumasayad na ang kaha ng box truck, maging ang dump truck sa slab sa itaas ng tunnel.

Sa pagdaan ng mga taon ang dating aspaltadong kalsada ng Sipat at Dampol ay naging kongkreto kaya lalong naiwan ang loob ng tunnel. Hindi na nakakaraan sa tunnel ang malalaking truck maging ang box truck kaya ang mga trak na papuntang Dampol ay kailanga pang umikot at pumasok sa kanto ng Pinagbakahan, sa Malolos upang makapunta ng Dampol, gayondin naman ang mga trak na pupunta ng Sipat mula sa Dampol.

Kung ang loob ng tunnel ay ipapantay sa kalsada sa kasalukuyang panahon, malamang na tricycle na lamang ang makakadaan sa tunnel dahil baka bumaba sa limang talampakan ang vertical clearance ng tunnel kapag ito ay ipinantay sa level ng kalsada kaya pinananatili ang kasalukuyan kalagayan ng tunnel. Dahil mas mababa sa kalsada ang loob ng tunnel naiipon doon ang tubig kapag umuulan.

Kaya tuwing panahon ng habagat nsgpapaulit-ulit na lang ang problema sa tunnel ng NLEX. Kapag malalim ang tubig na naipon sa loob nito ay hindi na makadadaan ang mga tricycle, kotse at iba pang behikulo. Nilagyan naman ng daang-tao sa gilid ng tunnel na isang metro ang taas. Dito dumadaan ang mga tao maging ang mga rider ng motorsiklo kapag malalim ang tubig.

Sa aking palagay, imposible nang mabago ang design ng tunnel dahil kapag ginalaw iyan, babaguhin din siyempre ang disenyo ng tulay ng NLEX sa Angat River dahil itataas nila ang kalsada ng NLEX pati ang tulay. Napakalaking gastos niyan para sa korporasyon. Kung ang Kamara o ang Senado naman ang maglalaan ng pondo para sa rehabilitation ng tunnel, maoobliga naman ang NLEX na i-upgrade ang expressway north at south bound at tiyak na gagalawin din ang tulay sa Angat River.

Kapag nagkagayon, napakalaking abala sa mga motorista dahil hindi basta basta ang rehabilitation project para sa tunnel, expressway at tulay ng NLEX, dahil sa malaking halagang kakailanganin para sa matagal at maabalang proyekto. Ano sa palagay ninyo, mangyari kaya ang pangarap ng mga motoristang dumadaan sa tunnel na ito ay isailalim sa rehabilitasyon? Hindi naman binabayaran ang mangarap. Wika nga, hanggang sa pangarap man lang. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News