CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Patuloy ang pinaigting na kampanya ng Bulacan Police Provincial Office (Bul PPO) laban sa mga wanted na indibidwal matapos maaresto ang Top 5 Most Wanted Person (provincial level) sa isinagawang operasyon ng pulisya noong Linggo (Aug. 3) sa Barangay Daungan, Guiguinto.
Base sa ulat ni Lt. Col. Christian B. Alucod, Hepe ng Guiguinto MPS, naaresto si alias “Alan,” 41 anyos, construction worker mula Apalit, Pampanga, sa bisa ng warrant of arrest para sa dalawang kaso ng paglabag sa RA 9165—isa rito ay non-bailable (Section 5) at ang isa ay may piyansang Php 200,000 (Section 11).
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Guiguinto MPS ang nasabing indibidwal para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon bago ibalik ang warrant sa korte na naglabas nito.
Sa ilalim ng pamumuno ni Col. Angel L. Garcillano, acting Provincial Director, patuloy ang Bulacan PNP sa puspusang pagtugis sa mga pugante at mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga.
“Ang operasyong ito ay patunay ng matibay na paninindigan ng PNP sa mahigpit na pagpapatupad ng batas at sa pangangalaga sa kaligtasan ng mamamayan sa buong lalawigan ng Bulacan,” ani Garcillano. (UnliNews Online)