CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang lalaki ang naaresto ng San Miguel Municipal Police Station (MPS) matapos ang isang mabilis na operasyon kaugnay ng pagnanakaw ng diesel mula sa mga nakaparadang trak sa Brgy. Salangan, San Miguel, Bulacan noong Linggo ng madaling araw (Aug. 3).
Ayon sa ulat ni Lt. Col. Jowilouie B. Bilaro, San Miguel police chief, agad na rumesponde ang kanilang mga nagpapatrolyang tauhan matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen kaugnay ng mga kahina-hinalang indibidwal na umano’y nagsasalin ng krudo mula sa mga trak na nakaparada sa tabi ng kalsada.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang Mitsubishi L300 van, ngunit nahuli rin makalipas ang ilang minutong habulan sa Brgy. Anyatam, San Ildefonso, Bulacan.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang mga kagamitan sa pagsalin ng krudo at mga lalagyang may lamang diesel, na kinilala ng mga may-ari ng mga naapektuhang trak. Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang mga ebidensya para sa wastong disposisyon.
Ang dalawang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa San Miguel MPS at haharap sa kasong Pagnanakaw. Napag-alaman ding ang isa sa kanila ay may naunang kasong kriminal at pansamantalang nakalaya sa bisa ng piyansa. Patuloy ang isinasagawang masusing imbestigasyon. (UnliNews Online)