LUNGSOD NG MALOLOS – Sa ikalawang pagkakataon, kinilala ang Bayan ng Pandi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno nina Gobernador Daniel R. Fernando at Vice Gov. Alex Castro bilang Natatanging Bayan sa Nutrisyon (Unang puwesto) sa isinagawang Gawad Pakilala sa The Pavillion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa nabanggit na lungsod noong Miyerkules (Aug. 6).
Ayon kay Mayor Rico Roque, nasa pangatlong taon na rin na natanggap ng Bayan ng Pandi ang Nutrition Green Banner Award sa ginanap na gawad pagkilala.
Pinarangalan din ang Barangay Bunsuran 1st bilang Natatanging Barangay sa Nutrisyon at muli ring nag-uwi ng Unang Pwesto. Samantala, si Cristina Dela Cruz ay ginawaran bilang Natatanging LNN ng ating bayan.
“Hindi po ito tagumpay ng iilan. Tagumpay po natin itong lahat. Sa bawat nanay na sumama sa feeding, sa bawat health worker na nagbahay-bahay, at sa bawat batang natutong kumain ng gulay, kayo po ang dahilan ng karangalang ito,” ani alkalde.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Roque kina Bokal Ricky Roque, Ma’am Jophen Avendaño-Rualo, Municipal Nutrition Office, Kap. Ceferino Capalad, LLN, BNS, mga Mother Leaders, at buong Barangay Nutrition Committee.
“Kapag sama-sama, mas malusog ang Pandi. Para sa inyo po ito, mga ka-Pandieño!,” saad pa ni Mayor Roque. (UnliNews Online)