LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Sa gitna ng epekto ng sunod-sunod na bagyo, nagpaabot ng agarang tulong ang opisina ni Senator Alan Peter Cayetano sa 2,000 pamilyang nasalanta ng pagbaha sa Marilao at Paombong, Bulacan nitong Miyerkules (Aug. 6).
Personal itong dinaluhan ni City of Taguig Mayor Lani Cayetano, isang tubong Bulacan, bilang pakikiisa sa kanyang mga kababayan.
Bukod sa mabilisang relief operations, binigyang diin ni Senator Alan ang kahalagahan ng rehabilitasyon, lalo na para sa maliliit na negosyo na naapektuhan ng kalamidad.
“We are trying to do more para doon sa mga tinamaan ng baha. Gusto ko ring pagtuonan ng pansin ang rehabilitation. For example, y’ung may mga maliliit na negosyo tulad ng sari-sari store, online selling, karinderya, parlor, pero umabot hanggang dibdib y’ung baha, so nasira ang mga gamit kaya dapat tulungan silang makabangon,” ani senador.
Muli rin niyang iginiit ang pagpasa ng Emergency Response Department (ERD) Act na layong magtatag ng isang ahensiyang tutok sa disaster preparedness, mabilis na response at recovery, at pamamahala ng nationwide 911 hotline. (UnliNews Online)

