CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang 52-anyos na lalaki, caretaker, at residente ng Lungsod ng Malolos City, ang kusang-loob na nagtungo sa tanggapan ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company upang tuldukan ang kanyang ugnayan sa kilusang armado at tahakin muli ang landas ng kapayapaan noong Sabado (Aug. 30).
Ayon sa ulat ni Maj. Norheda G. Usman, Officer-in-Charge ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company, ang pagsuko ay naganap dakong alas-11:40 ng umaga at naitala sa opisyal na rekord sa tanggapan ng 1st PMFC, Camp General Alejo S. Santos, Brgy. Guinhawa, Lungsod ng Malolos.
Kinilala ang dating rebelde bilang si Ka Nano, 52 taong gulang, may asawa, at residente ng Brgy. Niugan, Lungsod ng Malolos. Kanyang inamin na siya ay dating tagasuporta at kasapi ng Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB), isang armadong grupong konektado sa kilusang komunista na dating aktibo sa mga baybaying bahagi ng Bulacan, Pampanga, Bataan, at Zambales.
Bago ang kanyang pagsuko, kusang-loob na nakipag-ugnayan si Ka Nano sa mga tauhan ng 1st Platoon upang ipahayag ang hangarin na isuko ang kanyang armas, muling ipahayag ang katapatan sa pamahalaan, at tuluyang talikuran ang kilusang kanyang kinaaniban.
Bilang tugon, agad na nagsagawa ng beripikasyon at nagbuo ng pinagsanib na pangkat mula sa 1st PMFC, Malolos City Police Station, Bulacan Police Intelligence Unit, 301st Maneuver Company ng RMFB, at 70th Infantry Battalion ng Philippine Army upang pangasiwaan ang proseso ng kanyang pagsuko.
Isinuko ni Ka Nano ang isang Caliber .38 revolver na walang serial number, kasama ang tatlong bala. Ang nasabing baril ay isusumite sa Provincial Supply Accountable Officer (PSAO) para sa wastong disposisyon. Sumailalim din siya sa booking procedures at panayam para sa dokumentasyon.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa mga kaukulang ahensya upang mabigyan siya ng tulong at maisama sa programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan. (UnliNews Online)

