CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang dalawang tulak ng droga matapos bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa ikinasang buy bust operation noong Lunes sa Barangay Mojon, Lungsod ng Malolos.
Kinilala ang suspek na si alyas “Bryan,” 43 anyos, residente ng Brgy. Guinhawa,” at kanyang kasabwat na si alyas “Jay,” taga-Brgy. Mabolo.
Batay sa report ni Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Acting Chief of Police ng Malolos City Police Station, agad na nagkasa ng operasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) bandang 9:40 ng gabi sa Brgy. Mojon, matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ng mga suspek.
Nang tanggapin ng mga suspek ang markadong salapi mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad silang dinakip ng mga operatiba.
Narekober mula sa mga suspek ang 9 na sachet ng hinihinalang shabu at tinatayang Standard Drug Price (SDP) na P54,400.00, isang .38 caliber revolver na walang serial number na may dalawang (2) bala, at buy-bust money na P500.00.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala Malolos City Police Station para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso sa korte.
Patuloy ang pinaigting na kampanya ng Bulacan PNP laban sa ilegal na droga sa pamumuno ni Col. Angel L. Garcillano, Bulacan Provincial Director, katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya, lokal na pamahalaan, at mga mamamayan, upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at kaunlaran ng buong lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

