LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Sinibak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang opisyal na sangkot sa mga maanumalyang flood control projects sa lalawigan ng Bulacan bilang mabilis na pagtugon sa direktiba ng Pangulo na “linisin” ang ahensya matapos ang sunod-sunod na isyung kinaharap nito tungkol sa mga “ghost at substandard projects”.
Kinumpirma ni Secretary Dizon nitong Huwebes (Sept. 4), ang pagsibak kay suspended DPWH former Bulacan 1st District Engineer Henry C. Alcantara, matapos ang kanyang isinagawan inspeksyon sa isang “ghost project” sa Barangay Sipat, Plaridel, Bulacan.
Ang naturang proyekto ay idineklarang kumpleto ng DPWH Bulacan 1st DEO noong Hunyo 2025.
Sa inspeksyon, natuklasan ni Secretary Dizon na ang declared completed na P96.50-million flood control project ng Wawao Builders sa Angat River, Sipat section ay tatlong linggo pa lamang nasimulan ang konstruksyon sa ilalim ng mga pakyawang manggagawa.
“Mga hayop ang gumawa nito, hindi sila tao, para gawin nila ito sa mga kababayan natin. And believe me, itong mga hayop na ito makukulong,” madiing sinabi ni Secretary Dizon.
Tiniyak ni Secretary Dizon na papatawan ng perpetual or lifetime blacklisting ang Wawao Builders, kasama na rin ang iba pang contractors gaya ng Syms Construction Trading na nauna ng natuklasang na sangkot sa mga “ghost projects”.
Sisibakin din sina suspended Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, at Engr. Jaypee Mendoza na dating hepe ng Construction Section ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office.
Gayundin, sinabi ni Secretary Dizon na simula pa lamang ito ng malawakang paglilinis sa ahensya at perpetual disqualification ng mga contractors na involved sa anomalya.
“The President has repeatedly said – and this was his clear marching orders to me – that we must not allow this to happen anymore, and to hold people who have done this to account,” ayon kay Secretary Dizon. (UnliNews Online)

