ISANG Kapampangan ang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang pinakamataas na pinuno ng Department of Public Works and Highways (DPWH) makaraang mabahiran ng kontrobersiya ang nasabing ahensiya tungkol sa maanomalyang flood control projects na pinalala pa ng sinasabing mga guni-guning proyekto.
Siya ay si Vivencio “Vince” Dizon, na tubong Porac, Pampanga. Bago siya matalaga bilang kalihim ng DPWH ay nagsilbi muna si Dizon sa Department of Transportation (DOTr) bilang kalihim din kaya umaasa ang Pangulong Marcos na mapapaganda ni Dizon ang mukha ng DPWH at malilinis ang makapal na duming nakakulapol sa nasabing ahensiya dulot ng nasabing kontrobersiya kaya naman inatasan ng punong ehekutibo so Dizon na gawin ang nararapat upang mawakasan na ang sistemang ghost infrastructure projects na nagsilbing malaking mantsa sa ahensiya.
Ang unang hakbang ni Dizon bilang DPWH secretary ay nagbaba agad siya ng kautusan na mag-file ng courtesy resignation ang mga regional director at district engineers ng DPWH sa buong bansa. Ito marahil ay simula pa lamang ng gagawing paglilinis ni Dizon sa ahensiya.
Umaasa din naman ang mga naunsiyaming mamamayan na maibabalik ni Dizon ang tiwala ng publiko sa DPWH kaya bahagi ng kanyang adbokasiya sa ahensiya ang pag-ban ng habang panahon sa mga kontratista na sangkot sa karumaldumal na ‘ghost projects’ na kung saan ang salaping pinagtigisan ng dugo at pawis ng mga taxpayer ay napupunta lang sa bulsa ng iilan na sangkot sa mga multong proyekto.
Naniniwala din naman si Dizon na marami pang matitinong tauhan ang DPWH at ang mga matitinong ito ang hanap ni Dizon na manatili sa ahensiya dahil karapat-dapat sila sa kanilang sinumpaang tungkulin. Totoo naman na kahit saang ahensiya ng gobyerno ay mayroong mga bulok na kamatis at mayroon din namang mga matitino, may dignidad at prinsipyo.
Sa kanyang mga pahayag sa social at stream media, ang mga kontratista na sangkot sa ghost project, substandard projects at mga proyektong nabayaran na kahit hindi tapos ay walang karapatang mangontrata sa government projects at nararapat sa kanila ay ban for life upang hindi na pamarisan at doon naman sa mga opisyal ng ahensiya na mapatutunayang sangkot sa maanomalyang multong proyekto ay dapat lang na sila ay makasuhan at makulong.
Sa ganang akin, hintayin muna natin ang mga hakbang na gagawin ni Dizon, bilang pinuno ng DPWH. Huwag na munang humusga. Hintayin natin na ang kanyang mga sinalita ay malalakipan niya ng mga gawa para sa ikabubuti ng ahensiya. Bigyan natin siya ng pagkakataon na maisulong ang pagbabago at mga reporma na kanyang gagawin sa DPWH. (UnliNews Online)

