CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Labing-tatlong katao na pawang sangkot sa iligal na droga ang naaresto ng Bulacan police sa patuloy na pinaigting at walang humpay na operasyon kontra ilegal na droga na isinagawa noong Miyerkules (Oct. 8) – Huwebes (Oct. 9).
Ayon sa report ni Lt. Col. Reyson M. Bagain, Hepe ng San Jose Del Monte CPS, nagsagawa ng operasyon laban sa ilegal na droga ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng nasabing Station dakong 4:20 ng hapon noong Huwebes sa Brgy. Sta. Cruz 4, San Jose Del Monte, Bulacan.
Ang nabanggit na operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto kay alias Joel, 53 taong gulang, matapos magbenta ng isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu sa mga awtoridad kapalit ng P500.00 buy-bust money kung saan narekober din mula sa kanya ang marked money at 3 piraso pa ng heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu at may Standard Drug Price na P54,400.00.
Samantala, gayun din sa report ni Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Hepe ng Malolos CPS, nagsagawa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos City Police Station dakong 1:45 ng madaling araw noong Huwebes sa Lungsod ng Malolos, Bulacan na nagresulta sa pagkakaaresto kina alyas Adan, 27 taong gulang; alyas Cotton, 29 taong gulang; at alias CJ, 29 taong gulang.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 7 pirasong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 5.6 gramo at may Standard Drug Price na P38,080.00, kasama ang buy-bust money.
Dagdag pa dito, nagsagawa ng magkahiwalay na operasyong kontra iligal na droga ang kanilang mga Station Drug Enforcement Units ng Sta. Maria, Balagtas, San Miguel, Marilao, at Obando Police Stations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 9 indibidwal na sangkot sa pagtutulak ng droga. Nakumpiska sa mga operasyon ang 18 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang halaga na P68,680, at buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa kaukulang pagsusuri. Kasalukuyan namang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa mga suspek. (UnliNews Online)

