Thursday, January 22, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsKabataang Bulakenyo, nagtipon sa ‘Parade of Saints’

Kabataang Bulakenyo, nagtipon sa ‘Parade of Saints’

BULAKAN, Bulacan — Nasa 63 kabataang Bulakenyo ang nakiisa sa taunang Parade of Saints ng Parokya ng San Isidro Labrador sa Barangay Bambang dito sa nasambit na bayan.

Sa temang “Kabataan Para sa Kabanalan, Sama-samang Naglalakbay Kasama ang mga Banal,” layunin ng aktibidad na hikayatin ang kabataan na tularan ang mga banal, isabuhay ang kanilang mga aral, at maging inspirasyon sa kapwa. Bukod dito, isa rin itong paraan ng parokya upang gunitain ang Araw ng mga Santo tuwing ika-1 ng Nobyembre.

“Mahalaga pong ipaalala sa mga kabataan na ang Araw ng mga Banal ay para sa kabanalan at hindi dapat naka-sentro sa katatakutan o katatawanan. Higit sa lahat, ito ay paanyaya na maisabuhay nila ang mga magagandang ginawa ng mga santo noong sila ay nabubuhay pa,” ani Joshua Roque, Parish Commission on Youth Coordinator at isa sa mga organizer ng nasabing gawain.

Lubos din ang naging suporta ng mga magulang sa aktibidad. Isa sa kanila si Ejhay Bautista, ama ni baby Aevia Bautista, ang pinakabatang kalahok sa parada na walong buwang gulang pa lamang.

“Gusto kong lumaki siya na malapit sa Diyos kaya ko siya sinasali sa mga ganitong event,” ani Bautista.

Bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at pagkamalikhain sa paggaya sa mga santo, tatlong kabataan ang ginawaran ng mga parangal at papremyo:

Unang Gantimpala: John Manuel Carreon bilang San Juan Pablo II
Ikalawang Gantimpala: Vince Harold Magpayo bilang San Luis Gonzaga
Ikatlong Gantimpala: Calista Miel Meneses bilang Santa Teresita ng Niño Hesus

Ang Parade of Saints ay isa lamang sa maraming programa ng parokya na naglalayong ilapit ang mga kabataan sa Diyos, palakasin ang pananampalataya, at hubugin silang maging mabubuting Katoliko.

Para sa mga susunod na kaganapan ng simbahan, maaaring sundan ang kanilang opisyal na Facebook page, Ang Uhay – Parokya ng San Isidro Labrador, Bambang. (Manny D. Balbin)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News