CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Sa mabilis at magkatuwang na aksyon ng Calumpit police at Bulacan Provincial Intelligence Unit, matagumpay na naaresto ang 6 na suspek na sangkot sa robbery hold-up na naganap sa isang Gasoline Station na matatagpuan sa Brgy. Pungo, Calumpit, Bulacan bandang 1:30 a.m. nung Huwebes (Dec. 18).
Ayon sa ulat ni Lt. Col. Leopoldo L. Estorque Jr., Chief of Police ng Calumpit MPS, lumalabas sa paunang imbestigasyon na 4 na armadong suspek ang biglaang lumapit sa lugar, kung saan isa sa mga ito ang bumunot ng baril at nagdeklara ng hold-up.
Tinangay ng mga suspek ang P7,000.00 cash at 2 cellular phone bago tumakas patungong Brgy. Sucol, Calumpit, Bulacan sakay ng isang Yamaha Sniper motorcycle na walang plate number.
Agad na nagsagawa ng case conference at follow-up operation ang mga operatiba ng Calumpit MPS katuwang ang Bulacan Provincial Intelligence Unit.
Sa tulong ng iCloud account ng biktima at backtracking ng mga CCTV footages, natukoy ang kinaroroonan ng mga suspek sa Purok 3, Brgy. Sucol, Calumpit, Bulacan, na nagresulta sa pagkakaaresto sa 6 na suspek bandang 3:35 ng hapon nung parehas na araw.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alias Ashlie, Glen, Vin, Ben, Alex at alias Xander. Ang mga suspek ay napag-alamang kabilang sa MARVIN ACOSTA ROBBERY HOLD-UP GROUP na sangkot sa serye ng robbery hold-up incidents sa lalawigan ng Bulacan.
Nakumpiska mula sa kanila ang isang Yamaha Sniper, isang Bajaj na may sidecar, isang kalibre .45 baril na may magazine at limang bala, 8 sachet ng hinihinalang shabu, isang ice pick, isang toy gun, 2 cellular phone, cash money, at iba pang gamit. Ang mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Calumpit MPS para sa wastong dokumentasyon.
Inihahanda na ang mga kasong Robbery Hold-up in Band at Violation of Section 11, Article II ng R.A. 9165 laban sa mga suspek na ihahain sa Office of the Provincial Prosecutor, Lungsod ng Malolos, Bulacan. (UnliNews Online)

