Wednesday, December 31, 2025
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsTindigan ang mga pinanindigan ni Rizal laban sa korapsiyon -- Gob. Fernando

Tindigan ang mga pinanindigan ni Rizal laban sa korapsiyon — Gob. Fernando

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Kailangang tumindig ang kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino sa mga prinsipyo at pananaw na pinanindigan ng bayaning si Dr. Jose P. Rizal.

Iyan ang tinuran ni Gobernador Daniel R. Fernando sa paggunita sa Ika-129 Taong Anibersaryo ng Kabayanihan ni Dr. Rizal sa Casa Real de Malolos sa lungsod na ito. Aniya, lalong nangingibabaw ang mga alaala ng bayani sa gitna ng mga usapin ngayon para mapanagot ang mga hindi ginamit nang tama ang kaban ng bayan.

Matatandaan na isa sa pangunahing personalidad ang naturang bayani sa paglaban at pagsiwalat sa katiwalian ng noo’y Pamahalaang Kolonyal ng Espanya sa Pilipinas, sa pamamagitan nobelang El Filibusterismo na ‘The Reign of the Greed’ sa wikang Ingles.

Isinulat ito ni Dr. Rizal sa wikang Kastila upang lalong tumagos ang kapangyarihan ng wika sa lahing nagsasalita nito, na unang inilathala noong 1891 sa Belgium na ipinadala kalaunan sa Pilipinas.

Kinatigan naman ito ni Dating Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Pena na nagsilbing panauhing pandangal sa ginawang programang pang-alaala.

Ipinaliwanag niya bagama’t mariin ang pagbatikos ni Dr. Rizal laban sa katiwalian ng mga Kastila at agresibo ang kanyang pagsisiwalat dito, hindi nalimutan ng bayani na mag-alok at magprisinta ng mga alternatibo para sa ikalalaya at ikagiginhawa ng bayan.

Una na rito, ginawa niyang modelo ang Dapitan, na ngayo’y sakop ng Zamboanga Del Norte, bilang ‘template’ ng kanyang panaginip para sa isang Pilipinas malaya at may kaginhawahan.

Matatandaan na ipinatapon ng mga Kastila si Dr. Rizal dito sa gitna ng paglaganap ng kanyang mga nobela na nagbubulgar sa mga katiwalian ng pamahalaang kolonyal at ng simbahan.

Binigyang diin din ng dating kalihim na sa halip na magmukmok, naging pagkakataon ito sa bayani upang isulong at itaguyod ang mga programa at proyektong pambayan na walang bahid ng katiwalian.

Kabilang dito ang pagmodernisa sa sistema ng pagsasaka at pangingisda, maayos na sistema ng irigasyon para sa mga sakahan at malinis na inuming tubig at ang pagtatayo ng paaralan at klinika.

Sinasabing naipundar ni Dr. Rizal ang malaking bahagi nito gamit ang premyo sa tinayaang Loterya at kanyang pribadong pera.

Kaya naman sinabi ni Dating Secretary Dela Pena na isang malinaw na halimbawa si Dr. Rizal na ginawa ang sinasabi o ‘practice what he preached’ sa wikang Ingles, na kampeon sa pagmumulat sa kamalayan ng karaniwang tao para tumindig para sa katotohanan.

Samantala, muling inalala ng dating kalihim na akmang-akma na kinilala ng DOST noong 2021 si Dr. Rizal bilang isang ‘Filipino Scientist’. Repleksiyon aniya ito ng mga katangiang naipaloob sa kanyang apelido kung bibigkasin sa purong Filipino na ‘RISAL’, na ang ibig sabihin ay researcher, innovator, server of the people, adherence to truth at love of country.

Mula taong 2010, idinadaos dito sa Casa Real de Malolos ang mga programang pang-alaala tungkol kay Dr. Rizal kung saan ginanap ang unang Araw ng Pagluluksa para sa kanya noong 1898. Ito’y sa utos ni noo’y Pangulong Emilio Aguinaldo kung saan kabisera ng pamahalaan ng Unang Republika ang Malolos.

Pinagtibay naman noong Nobyembre 2020 ang Kautusang Panglungsod 87-2020, na iniakda ni noo’y Konsehal Enrico Capule sa pagsusulong ng Order of the Knights of Rizal-Barasoain/Plaridel Chapter, na gawing permanente ang pagdadaos ng mga programang pang-alaala sa mga makasaysayang yugto sa buhay ni Dr. Rizal mula sa kapanganakan at kabayanihan, pagpepetisyon ng mga Kadalagahan ng Malolos, pagsulat niya sa mga kadalagahan at ang pagdadala ng La Liga Filipina sa Malolos. (PIA)

PHOTO CAPTION
Piinangunahan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Dating Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Pena ang paggunita sa Ika-129 Taong Anibersaryo ng Kabayanihan ni Dr. Jose Rizal sa Casa Real de Malolos sa Lungsod ng Malolos, Bulacan. Sumentro ito sa pag-alaala sa paninidigan nitong bayani laban sa katiwalian habang naghandog ng karunungan para sa kagalingan ng bayan. (Kuha ni Shane F. Velasco)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News