CITY OF MALOLOS — Arestado ang isang 56-anyos na lalaki matapos umanong magpaputok ng baril at tangkaing barilin ang isang kasambahay sa Barangay Bulihan bandang alas-11:30 ng gabi nito lamang Lunes (Dec. 29).
Base sa ulat ng Malolos PNP, agad na rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng sumbong mula sa isang concerned citizen sa pamamagitan ng “iReport Mo Kay Tsip” kaugnay ng umano’y indiscriminate firing sa lugar.
Pagdating ng mga pulis, namataan ang suspek na may hawak na baril at agad itong kinausap upang pakalmahin ang sitwasyon, na kalaunan ay sumunod naman.
Batay sa salaysay ng biktima at mga saksi, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa loob ng tahanan kung saan umano’y sinubukan ng suspek na paputukan ang biktima, na nakaiwas sa pamamaril. Ang insidente ay nagdulot ng matinding takot at pangamba sa komunidad.
Sa isinagawang police intervention, narekober mula sa suspek ang dalawang baril, isang .45 caliber pistol at isang 9mm pistol—kasama ang mga magazine, live ammunition, at mga basyo ng bala. Nabigo rin ang suspek na magpakita ng anumang legal na dokumento para sa pagmamay-ari at pagdadala ng mga naturang baril.
Dahil dito, agad siyang inaresto at dinala sa Malolos City Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso kaugnay ng indiscriminate discharge of firearms, illegal possession of firearms, at frustrated homicide.
Ayon kay Brig. Gen Ponce Rogelio I Peñones Jr., Regional Director ng PRO3, hindi kailanman papayagan ang anumang banta sa kaligtasan ng publiko.
“Hindi namin palalampasin ang anumang insidente na naglalagay sa panganib ng buhay ng mamamayan. Ang tungkulin ng pulisya ay pigilan ang karahasan bago pa ito mauwi sa trahedya,” ani Gen.Peñones.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at masiguro ang kaligtasan at kapanatagan ng mga residente sa lugar. (UnliNews Online)

