MATAGUMPAY na nadakip ng kapwa pulis noong miyerkules alas 3:30 ng madaling araw (Enero 14) sa Brgy. Tres Cruces, Tanza, Cavite, ang dating pulis, isa sa apat na suspek sa pagpatay kay Bokal Ramil Capistrano, dating pangulo ng samahan ng mga kapitan sa Bulacan at sa drayber nito.
Sa ginanap na press conference nitong Miyerkules ng hapon, kinilala ni PCol. Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang akusado na si Ulysses Hernani Castro Pascual, 46 taong-gulang, residente ng No. 628 Governor Pascual St., Brgy. San Roque, Navotas City. Ang nasabing suspek ay dating miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group at pinuno ng isang gun for hire group.
Ang dating pulis ay iprinisinta sa harap ng mga mamamahayag sa Balagtas Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa pangunguna ni Col. Angel Garcillano kasama sina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alex Castro at ito ay isinagawa sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 11, City of Malolos, Bulacan noong Pebrero 20, 2025 kaugnay ng Criminal Case Nos.988-M-2025 at 989-M-2025 para sa kasong dalawang (2) bilang ng murder, na walang piyansang inirekomenda.

Sa oras ng kanyang pagkaaresto, nalambat mula sa kanya ang isang Glock 9mm 43X pistolna may optic sight, may chamber load at naglalaman ng 15 bala.
Masusing plinano ang operasyon sa pangunguna ng Tracker Team ng Bulacan Provincial Intelligence Unit at sa pinagsamang pwersa ng mga tauhan ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company, Malolos Police Station, Navotas City at Tanza Municipal Police Station ng Cavite Police Provincial Office.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bulacan PIU ang akusado para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. Samantala, ang warrant of arrest ay ibabalik sa korte ng pinagmulan habang hinihintay ang pag-isyu ng commitment order.
Matatandaan, ang mga akusado ay itinuturing na suspek sa pananambang at pamamaril kina Bokal Ramil Capistrano, ABC President ng Bulacan at sa kanyang drayber na si Shedrick S. Toribio, na nangyari sa Barangay Ligas, Syudad ng Malolos noong Oktubre 3, 2024. (UnliNews Online)
KAPSYON:
IPRINISINTA nina Bulacan provincial director Col. Angel Garcillano, Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro ang dating pulis na si Hernani Pascual at suspek sa pagpatay kay Board Member Ramil Capistrano dating pangulo ng samahan ng mga kapitan sa Bulacan at sa drayber nito nung taong 2024. (Kuha Allan Casipit)

