Wednesday, January 21, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsLakbay Kasaysayan,' isinagawa bilang bahagi ng Fiesta Republika

Lakbay Kasaysayan,’ isinagawa bilang bahagi ng Fiesta Republika

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pamamagitan ng Arts, Culture, Tourism, & Sports (ACTS) Office, isinagawa ang Lakbay Kasaysayan nitong ika-20 ng Enero, 2026 na bahagi ng pagdiriwang ng Fiesta ng Republika ngayong taon.

Sakay ng mga sasakyang Karatig, isang uri ng sasakyan/Jeep na sa Malolos kalimitang matatagpuan, inilibot ang mga mag-aaral mula sa elementarya tungo sa mga makasaysayang lugar sa Lungsod. Kung saan ipinunla sa kanilang mga isip ang importansya ng Malolos sa deklarasyon at pagkakatatag ng republika ng ating bansa.

Nabatid ng mga estudyante sa kanilang pagbisita sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain ang naging papel at rason kung bakit tinawag na Duyan ng Unang Republika ang ating Lungsod.

Sinundan naman ito ng pagbisita sa Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas o Casa Real, na nagbigay ng ideya sa mga mag-aaral sa kung paano nababago at patuloy na nagbabago ang pulitika at pamahalaan ng ating bansa sa paglipas ng panahon.

Nagkaroon din ang mga estudyante ng pagkakataon na mabatid ang kubling kasaysayan ng Cathedral ng Malolos at ng lumang Gusaling Pampamahalaan ng lungsod na kadalasan ay kanila lamang nadaraanan.

Nagwakas ang Lakbay Kasaysayan sa pagsilay sa mga lumang bahay at kalye na nagsilbing saksi sa pagsilang ng unang republika.

Higit sa maipasyal ang mga mag-aaral, layon ng isinagawang Lakbay Kasaysayan na ikintal sa puso at isip ng mga kabataan ang halaga ng Malolos at ang esensya kung bakit kailangan nilang malaman na ang lugar o Lungsod na kanilang inuuwian ay tahanan din ng mayamang kasaysayan at kultura na bumubuo sa atin, hindi lang bilang mga Maloleño, pero maging mga Pilipino.

Ang diwa ng pagiging isang malayang Pilipino ay ang pagiging malay nito sa kaniyang pinagmulan. At ang paggunita sa sa kasaysayan ng lupang tinubuan ay ang pagtanggap at pagdadakila sa sarili nito. (UnliNews Online)

Source: Malolos City Information Office

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News