LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Makatwiran na mapag-aralan ng lahat ng mga lingkod-bayan ang diwa ng Unang Republika ng Pilipinas, upang mas matutunan kung papaano pangasiwaan ang bansa.
Iyan ang inilahad ni San Juan City Mayor Francisco Javier Zamora, pangulo ng League of Cities of the Philippines (LCP), nang pangunahan niya ang programang pang-alaala bilang pagdiriwang sa Ika-127 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas sa makasaysayang simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Dito itinatag ang republika noong Enero 23, 1899 na nagpasimula sa lakbayin ng pagsasabansa ng Pilipinas. Ito ay sa bisa ng Saligang Batas ng 1899 na ibinalangkas at pinagtibay ng Kongreso ng Malolos na nagsesyon sa Barasoain mula Setyembre 15, 1898 hanggang Enero 21, 1899.
Ipinaliwanag ni Mayor Zamora na itinuturo ng Unang Republika kung papaano dapat pangasiwaan ang Pilipinas na may malasakit, integridad at pananagutan. Hindi lamang aniya simpleng pagtatatag ng bansa ang pagkakaroon ng Republika. Naging pagkakataon ito sa mga Pilipino mismo upang pamahalaan ang lupang tinubuan.
Sa pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas, naipakilala sa mga Pilipino ang sistemang ito na may tatlong sangay na ehekutibo, lehislatura at hudikatura.
Nasa ilalim ng sangay ehekutibo ang pangulo ng bansa na noo’y si Emilio Aguinaldo na naghimpil sa Katedral ng Malolos bilang Palacio Presidencial. Ang lehislatura ay ang Kongreso ng Malolos kung saan ginawang session hall ang simbahan ng Barasoain. Sa kumbento naman nito matatagpuan ang sangay hudikatura.
Dahil dito, naging kabisera ng bansa ang Malolos kung saan nagsilbing tanggapan ng mga ahensiya ng pamahalaan ang mga pangunahing bahay dito.
Kabilang sa mga ahensiya na unang naitatag ang Departamento de Exterior na pinag-ugatan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pinamunuan ni Apolinario Mabini na naging punong ministro rin ng Pilipinas. Nandito rin sa Malolos ang naging unang tanggapan ng Departamento de Guerra na ngayo’y magkahiwalay nang mga ahensiya na Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Gayundin ang Departamento de Interyor na ngayo’y Department of Interior and Local Government (DILG), Departamento de Agraryo na ngayo’y Department of Agrarian Reform (DAR) at ang Departamento de Fomento na ngayon ay magkakahiwalay nang mga ahensiya para sa agrikultura, edukasyon at sa kalakalan at industriya.
Kaugnay nito, binigyang diin naman ni Gobernador Daniel Fernando na bilang kasalukuyang lahi ng mga Pilipinong nagmana ng Republika, isa anyang malaking obligasyon at pananagutan na pangalagaan at ipaglaban ito laban sa kahirapan, kawalan ng katarungan at katiwalian. (UnliNews Online)
PHOTO CAPTION:
Pinangunahan ni San Juan City Mayor Francisco Javier Zamora, pangulo ng League of Cities of the Philippines (LCP), ang programang pang-alaala bilang pagdiriwang sa Ika-127 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas sa makasaysayang simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos, Bulacan. Sentro ng kanyang mensahe na dapat mapag-aralan ng lahat ng mga lingkod-bayan ang diwa ng Unang Republika ng Pilipinas, upang mas matutunan kung papaano pamunuan ang Pilipinas. (Shane F. Velasco)

