Thursday, February 5, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsUpgrading ng mga elevated canal ng Bulo Dam, isinagawa ng NIA

Upgrading ng mga elevated canal ng Bulo Dam, isinagawa ng NIA

DONYA REMEDIOS TRINIDAD, Bulacan (PIA)- Isinailalim ng National Irrigation Administration (NIA) sa upgrading ang mga elevated lateral canal na nakakabit sa Bulo Dam na nasa Donya Remedios Trinidad, Bulacan.

Ito’y upang matiyak na mahigop ang patubig patungo sa 433 na ektaryang lupang sakahan ng palay sa mga barangay ng Malibay sa San Miguel at Kalawakan sa bulubunduking bayang ito.

Sa ulat ni NIA Administrator Eduardo Guillen sa ginanap na diyalogo sa mga magsasaka kaugnay ng study visit ni Senador Sherwin Gatchalian, tagapangulo ng Senate Committee on Finance, binigyang diin niya na patunay ito na ang pondo ng bayan na ginugol sa pagpapagawa nito ay direktang napapakinabangan ng karaniwang mga magsasaka.

Bukod sa pinagkukuhan ng patubig, nagsisilbing water impounding facility din ang Bulo Dam na kayang makapag-imbak ng nasa 2.60 million cubic meters ng tubig.

Matatandaang nasira ang buong istraktura ng lumang Bulo dam sa kasagsagan ng bagyong Pedring noong taong 2011. Mula nang mangyari iyon, taun-taon nang nakakaranas ng biglaan at malaking pagbaha ang kalapit na bayan ng San Miguel.

Kaya naman binago ng NIA ang disenyo nito mula sa pagiging lupa lamang ay ginawa nang kongreto. Nasimulan ang proyekto noong 2018 hanggang Marso 2022 na nilaanan ng nasa mahigit P1 bilyon sa pamamagitan ng multi-year scheme o taunang paglalaan na inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM).

May taas na 30.70 metro ang pangunahing istraktura ng Bulo Dam kung saan ang mga lupa na pinatigas ng mga malalaking bloke ng mga bato, ay humarang sa ilog ng Bulo. Sa dulo nito, may habang 140.38 metro ang main canal at spillway ng nasabing dam.

Kaugnay nito, ipinahayag naman ni Senador Gatchalian na kabilang sa mga pamantayan upang masabing nagagamit nang tama ang inilaang pondo na inaprubahan ng Kongreso, ay sa pagpapatupad ng mga proyekto at kung nakakalahok ang mga benepisyaryo sa pagbabalangkas nito.

Malinaw aniya na natutupad ito sa NIA dahil sa palagiang diyalogo at konsultasyon sa lahat ng mga irrigators association na pinatutunayan ng mga kasapi ng Malibay-Kalawakan Irrigators Association at ng Upper Pampanga River Integrated Systems.

Samantala, nakumpleto na rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkokongreto ng dalawang linyang farm-to-market road na umabot na sa mismong pasukan sa Bulo Dam. Binaybay nito ang mga barangay ng Malibay hanggang sa Tartaro sa San Miguel. (UnliNews Online)

PHOTO CAPTION

NAGKAROON ng upgrading sa mga elevated canal ng Bulo Dam sa Donya Remedios Trinidad, Bulacan upang matiyak na nahihigop ang tubig mula sa dam na ito patungo sa mga sakahan sa bulubunduking bayan ng San Miguel. Ito ang iniulat ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eduardo Guillen sa ginanap na diyalogo sa mga magsasaka kaugnay ng study visit ni Senador Sherwin Gatchalian, tagapangulo ng Senate Committee on Finance. (Kuha ni Shane F. Velasco)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News