CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan — Matagumpay na nasakote ng mga operatiba ng City of San Jose del Monte City Police Station (SJDM CPS) ang isang suspek sa “motornapping” matapos magsagawa ng follow-up operation kaugnay ng insidente na naganap nu’ng Lunes (Feb. 9) bandang alas-2:30 p.m. sa B2 Phase F, Francisco Homes, Brgy. Narra, Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Reyson M. Bagain, CSJDM police chief, kinilala ang biktima na si alias JR, 41 taong gulang, at residente sa Brgy. Narra, CSJDM, Bulacan.
Samantala, ang naarestong suspek ay nakilala sa alias “Andy” at residente ng B1 L12 Phase F, Francisco Homes, Brgy. Narra, CSJDM, Bulacan.
Batay sa imbestigasyon, ipinarada ng biktima ang kanyang motorsiklo sa harap ng kanilang bahay at ng kanyang gagamitin ang motorsiklo, nakita niya ang suspek na sakay na nito at mabilis na tumakas.
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa SJDM police na nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagkakarekober ng ninakaw na motorsiklo na isang Suzuki Raider J na may plate number 1946NT.
Ang suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016. Siya ay ipinaalam sa kanyang karapatan at kasalukuyang nasa kustodiya ng SJDM CPS habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at inihahanda ang pormal na reklamo laban sa kanya. (UnliNews Online)

