CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng Bulacan PPO ang 6 na indibidwal na sangkot pagtutulak ng iligal na droga sa magkakahiwalay na operasyon kontra-droga noong Miyerkules at Huwebes (Feb. 24 & 25), bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa ulat ni Lt. Col. Rommel E. Genebalzo, Hepe ng Malolos CPS, arestado ang isang 47 taong gulang drug suspect na seafarer, at kasalukuyang naninirahan sa Rufina Subdivision, Brgy. Sto. Cristo, Malolos City, Bulacan sa isinagawang anti-illegal drug operation ng Malolos City Police Station sa nasabing lugar noong ika-24 ng Pebrero 2026 dakong alas-11:45 ng gabi.
Batay sa ulat, nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang 5 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 2.5 gramo na may tinatayang halaga na P17,000.00. Narekober din ang isang limang daang piso (P500.00) na ginamit bilang buy-bust money.
Kasabay nito, batay sa ulat ng mga Hepe ng Pulisya ng Meycauayan CPS, Plaridel, San Ildefonso, at Pulilan MPS, magkahiwalay na drug-bust operations na isinagawa ng kani-kanilang Station Drug Enforcement Units na nagresulta sa pagkakaaresto ng 5 drug pushers at pagkakasamsam ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 5.68 gramo at may tinatayang halaga na P38,624.00 at hinihinalang marijuana na may tinatayang bigat na 100 gramo na may tinatayang halaga na P12,000.00, kasama ang buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa laban sa kanila. (UnliNews Online)

