KUNG kayo ay matatandain tungkol sa mga nagdaang pangyayari noong nakaraang taon 2025 tungkol sa kontrobersiya sa ghost flood control projects na kung saan ay dito sa Bulacan, naunang pumutok ang nakagigimbal na isyu tungkol sa multi-bilyong multong proyekto.
Mayroong dalawang barangay sa Bulacan, isa sa Lungsod ng Malolos at isa Barangay Sipat, sa bayan ng Plaridel ang magkapareho ng istorya tungkol sa maanomalyang flood control projects. Unahin natin ang istorya ng sinasabing half-ghost project sa Barangay Babatnin, sa Malolos. Nakarating sa kaalaman ni Mayor Christian Natividad, na mayroong abandonadong flood control project sa nasabing barangay
Ang ipinagtataka umano ng mga taong barangay mula umano ng pumutok ang balita ng ghost flood control project ay may mga nagsulputang trabahador at mga kagamitang pang konstruksyon sa nasabing lugar na tila gustong buhayin ang ‘patay’ na flood control project sa Babatnin. Kaya naman ng panahong iyon ay pinasabihan ni Mayor Natividad ang barangay captain ng Babatnin na ipatigil ang konstruksyon dahil bahagi ng scene of the crime ang lugar kaya makakasuhan umano ng obstruction of justice ang sinomang mangangahas na gumawa doon.
Nang kapanayamin noon ng media si Natividad ay kanyang sinabi na bumuo sila ng auditing team na binubuo ng mga kapitan ng iba’t ibang barangay ng Lungsod ng Malolos kasama ang concerned Maloleños upang magsagawa ng pagsusuri at maimbesigahan na rin ang mga hinihinala at parang maanomalyang flood control projects sa Malolos.
Sa Barangay Sipat naman ay nagsagawa ng inspection ang pangkat ni Department of Public Works and Highway (DPWH) Secretary Vince Dizon sa flood control project sa Barangay sa Plaridel, Bulacan na nagkakahalaga ng 96 milyong piso noong nakaraang taon (2025). Ito ang proyekto na tinawag na ‘patay na pero muling binuhay dahil nang pumutok ang malaking isyu ng ghost flood control projects napag-alaman ni Dizon na may mga trabahador na gumagawa sa lugar ng Angat River.
Napag-alaman kasi ni Dizon na idineklarang tapos na ang P96 milyong flood control project sa Barangay Sipat at ang masaklap ay naningil na ng kontratista ang kabayaran ng proyekto noong 2024 kaya nasabi niya ang ganitong linya: Mga hayop ang gumawa nito, hindi sila tao, para gawin nila ito sa mga kababayan natin. And believe me, itong mga hayop na ito makukulong,” ani Secretary Dizon.
Sinulat ko ang paksang ito dahil may post sa Facebook ang dating pangulo ng Bulacan Press Club, si Thony Arcenal, ng News TV 5 kung saan ay tinanong niya ang sumbungan sa social media na si Ka Baste. Ganito ang tanong ni Pangulong Thony: “Ka Baste! Nabaon na yata sa limot ang mga magnanakaw sa flood control projects?”
Iyan din ang gusto kong itanong kay Ka Baste, Pangulong Thony. Bakit hanggang ngayon ay wala pang naparurusahang mga sangkot sa biyun-bilyong anomalya sa flood control projects sa kabila ng mga imbestigasyong isinagawa. Ang taumbayan ay nagtatanong kung kailan makakamit ang hustisya sa salapi ng bayan buhat sa dugo at pawis ng mga taxpayer na dinambong ng mga kawatang opisyal ng gobyerno at iba pang private individuals.
Kaya ako naman ang magtatanong: Ka Baste, kailan kaya matitighaw ang pagkauhaw ng mga anak ni Juan dela Cruz na naghahanap ng hustisya kung kailan makikitang nakakulong sa rehas na mga bakal ang mga taong sangkot sa multi-bilyong anomalya sa flood control projects? (UnliNews Online)

