LUNGSOD NG MALOLOS – Humigit kumulang 300 nanay mula sa buong lalawigan ang nagtipun-tipon sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito para sa “Nanay’s Day Out”, isang espesyal na programa na naglalayong palakasin ang mga dumalo sa pamamagitan ng pagpapataas ng kamalayan sa mga isyu sa kalusugan at pamilya.
Kabilang sa mga pangunahing paksa na tinalakay ang Family Planning na pinangunahan ni Elsie S. Sumera, Nurse I; HIV Awareness ni Annie M. Balingit, PEO II; Cervical Cancer Awareness ni Roland Bryan B. Tobias, Nurse I; at Women’s Rights at Ulirang Pamilya ni Dr. Eva M. Fajardo, Pangulo ng Panlalawigang Komisyon para sa Kababaihan ng Bulacan.
Sa kanyang mensahe na inihatid ng kanyang kinatawan na si Crispin de Luna, binigyang-diin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mahalagang tungkulin ng mga nanay bilang pundasyon ng bawat pamilya at bilang ‘di kilalang bayani ng lipunan.
“Sa likod ng bawat matatag na pamilya at mga batang lumalaki nang may mabuting asal at pangarap sa buhay, naroon ang isang inang patuloy na nagsasakripisyo, nagmamahal, at gumagabay,” aniya.
Idiniin din ng The People’s Governor na ang “Nanay’s Day Out” ay nagsisilbing mahalagang entablado upang kilalanin at pahalagahan ang mga nanay, habang pinapalakas ang kanilang kalusugan, talino, at tiwala sa sarili.
“Naniniwala po tayo na kapag ang mga ina ay malusog, may kaalaman at kumpiyansa sa sarili, mas nagiging matatag ang buong pamilya. At kapag matatag ang pamilya, mas nagiging matibay ang pundasyon ng ating pamayanan at ng ating lalawigan,” dagdag pa niya.
Dagdag pa sa mga information session, nakinabang rin ang mga dumalo sa libreng family planning counseling, gayundin sa HIV counseling at screening ng Usbong ng Bulacan Inc. ng Bulacan Medical Center. (UnliNews Online)

