INAPRUBAHAN ng Senado nitong Martes (Marso 17) ang isang resolusyon na pinangunahan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na magbibigay-proteksyon sa mga Pilipinong nahaharap sa pag-aresto sa ibang bansa.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 307, titiyakin na mabibigyan ng sapat na panahon ang isang Pilipino para makadulog sa korte sa Pilipinas at magamit ang kanyang legal na remedyo bago siya alisin sa bansa.
Naipasa ang resolusyon noong Marso 17, 2026 matapos ang period of amendments. Dito, nagmungkahi ng ilang pagbabago si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na tinanggap naman ni Cayetano bilang sponsor ng panukala.
Isa sa mga binago ang paggamit ng terminong “extraordinary rendition,” na pinalitan ng “extrajudicial rendition” para mas malinaw ang layunin ng resolusyon at maiwasan ang negatibong kahulugan ng naunang termino.
“Last week when we brought this up, the intention of everyone was to make sure of due process, to make sure our Constitution is followed. The good Senate President Pro Tempore (Ping Lacson) brought up the fact that if you search the word ‘extraordinary rendition,’ may negative connotation,” wika ni Cayetano.
Naipasa ang resolusyon sa kabila ng tatlong dissenting votes mula kina Senators Risa Hontiveros, Francis “Kiko” Pangilinan, at Bam Aquino.
Ayon kay Cayetano, ang resolusyon ay para sa lahat ng Pilipino at magsisilbing dagdag proteksyon sa ilalim ng Konstitusyon.
“The bottom line of this resolution is that, for whatever reason, every Filipino should be able to run to [a Philippine] Court before he is removed from the country,” wika niya.
“Ang point lang, before he is removed from this country, ma-address niya pa rin y’ung sarili niya sa [sarili nating] korte,” dagdag niya. (UnliNews Online)

