CITY OF MALOLOS — Sa ikalimang batch ng pamamahagi ng National Cash Assistance for the Transport Sector mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), muling ipinagpatuloy nu’ng Martes (April 28) ang distribusyon ng cash assistance para sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Driver Association (TODA).
Isinagawa ang distribusyon sa unang palapag ng New Malolos City Hall, kung saan tinatayang 787 miyembro ng Tricycle Driver Operators sa naturang lungsod ang pumunta upang tumanggap ng cash assistance. Bahagi ito ng patuloy na pagpapatupad ng suporta sa sektor ng transportasyon mula sa nasyonal na pamahalaan, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos.

Ayon sa mga benepisyaryo, malaki ang naging ambag nito sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan — hindi lamang para sa pagkain kundi maging bilang karagdagang suporta sa kanilang pamamasada.
Samakatuwid, patuloy ang pagbibigay ng cash assistance sa mga driver sa Lungsod ng Malolos, na naglalayong magbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina. Layunin din nitong maibsan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin at matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo para sa mga Malolenyo. (UnliNews Online)
Source: Malolos CIO

