Saturday, May 2, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNews17 pares, ikinasal sa ‘Libreng Kasalang Sibil’ ng Malolos

17 pares, ikinasal sa ‘Libreng Kasalang Sibil’ ng Malolos

Ni RONALYN CRUZ

SA makasaysayang Lungsod ng Malolos, labimpitong (17) magkasintahan ang sabay-sabay na nag-“I do” sa libreng kasalang sibil na handog ng Pamahalaang Lungsod nitong Miyerkules (Abril 29).

Ginanap ang seremonya sa 4th Floor Auditorium ng New Malolos City Hall sa pangunguna mismo ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad bilang solemnizing officer.

Bakas ang tamis at pananabik sa mukha ng mga mag-irog habang hinihintay ang pinakahihintay na sandali—ang maging ganap na mag-asawa sa harap ng batas, ng kanilang mga magulang, ninong, at ninang. Para sa mga ikinasal, hindi lang ito pagtanggap ng parehong apelido, kundi ang katuparan ng pangakong magsasama habambuhay.

Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad

Sa kanyang mensahe, nag-iwan ng makahulugang paalala si Mayor Natividad sa mga bagong kasal. Inihalintulad niya ang buhay mag-asawa sa isang tricycle.

“Ang pag-iisang dibdib ay parang pagiging isang tricycle. Mula sa dalawang parte na pinagsama, ang motor at ang sidecar. Kung saan kakabig ang motor ay kasama ang sidecar. Ganoon na kayo ngayon, palaging magkasama, magkatuwang saan man dalhin ng tadhana,” ani ng alkalde.

Binigyang-diin ng Pamahalaang Lungsod na ang libreng sabayang kasalang sibil ay isang mahalagang hakbang sa pagpapaunlad at paghubog ng pamilya bilang pinakamahalagang unit ng lipunan. Anila, ang pagiging ganap na mag-asawa ay tanda ng seryosong pagpapatatag ng bawat tahanan.

Ang Malolos, na minsang naging saksi sa pagkakaisa ng mga Pilipino para sa kalayaan, ay muling naging saksi sa pagkakaisa ng 17 magkasintahan na pinagbuklod ng tadhana, tiwala, at pag-ibig. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News