LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Bilang lunduyan ng kasaysayan at kalayaan ng Pilipinas, nakiisa ang lalawigan ng Bulacan sa buong bansa sa pagdiriwang ng Buwan ng Pambansang Pamana sa ilalim ng temang “Roots and Horizons: Our Shared Heritage, Our Collective Future”, kung saan naghanda ang Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) ng mga aktibidad sa loob ng isang buwan na hindi lamang tungkol sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan, kundi nagpapatibay din sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Binuksan ang pagdiriwang nitong Mayo 4 sa pamamagitan ng BalagtaSayAwit ng Bulacan at ng prestihiyosong paglulunsad ng Haligi ng Hirayang Filipino – isang eksibit na nagbibigay pugay sa mga manlilikha ng bayan at mga pambansang alagad ng sining na nagsisilbing pundasyon ng sining.
Susundan ito ng malalim na diskursong pangkultura sa Kapihang Pamana: Ang Tradisyon ng Santacruzan sa Mayo 7; Basic Workshop on Art and Heritage Conservation sa Mayo 8; at ang 13th Pulilan Mandala International Art Festival mula Mayo 8 hanggang 10, na nagpapakita ng galing ng sining Bulakenyo sa mata ng buong mundo; Youth Forum on Heritage 2026 sa Mayo 19 hanggang 21; makulay na Bulaklakan sa Mayo 21; LAKAD Hagonoy: Lakbay Kasaysayan at Pamana sa Bayan ng Hagonoy sa Mayo 25; Palatuntunang Pang-alaala para sa ika-156 Anibersaryo ng Kapanganakan ni Felipe Salvador, isa sa mga bayaning rebolusyonaryo na mas kilala bilang “Apo Ipe”; at Palatuntunang Pang-alaala para sa Pagdiriwang ng Araw ng Pambansang Watawat sa Mayo 28 na nagsisilbing simbolo ng kalayaang nagbubuklod sa bawat Pilipino mula Luzon hanggang Mindanao.
Binigyang-diin ni Gobernador Daniel R. Fernando na ang pagdiriwang na ito ay isang sagradong tungkulin ng bawat Bulakenyo, dahil ang ating pamana ang nagsisilbing tulay na nag-uugnay sa ating dakilang nakaraan tungo sa isang masiglang kinabukasan.
“Itong pamana sa atin ang nagsisilbing tulay sa pagitan ng ating nakaraan at ng ating kinabukasan. Sa pagpapatibay natin ng ating tradisyon at pagbibigay-pugay sa ating mayamang kasaysayan, pinagtitibay natin ang ating pagkakakilanlan bilang mga Bulakenyo at binibigyang inspirasyon din natin ang susunod pang henerasyon na ipagpatuloy ang ating nakagisnang pamana,” anang gobernador.
Alinsunod sa Presidential Proclamation No. 439, layunin ng taunang pagdiriwang na ito na palawakin ang kamalayan, pagbibigay galang, at pagpapahalaga sa kultura, kasaysayan, at pagkakakilanlan ng mga Pilipino habang hinihikayat ang lahat na makiisa sa pangangalaga sa mayaman at makulay na pamana ng bansa. (UnliNews Online)

