PANDI, Bulacan — Isa na namang tagumpay ang naitala ng Bayan ng Pandi matapos itong pagkalooban ng Seal of Child Friendly Local Governance (SCFLG) — isang sertipikasyon na kumikilala sa matibay na pagsusumikap ng nasabing bayan na lumikha ng isang maunlad, ligtas, at makataong kapaligiran para sa mga batang Pandienyo.
Malugod na tinanggap ni Mayor Enrico A. Roque na nabanggit na prestihiyosong parangal na iginawad noong ika-11 ng Hunyo 2026 ni Panlalawigang Tagapagpaganap Myrvi Apostol-Fabia, CESO V ng DILG Bulacan.
Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Roque, patuloy umanong pinapalakas ng lokal na pamahalaan ang mga programang nakatuon sa kapakanan, proteksyon, at maayos na kinabukasan ng mga batang Pandienyo.
Ayon sa alkalde, ang naturang pagkilala ay patunay ng pagpapatuloy ng mga programang nagbibigay prayoridad sa kapakanan at kinabukasan ng kabataan sa bayan ng Pandi.
Ang SCFLG ay bunga ng maayos na pamamalakad at patuloy na pagsasagawa ng mga programa at proyekto na may kinalaman sa karapatan ng bata sa limang pangunahing aspeto: Survival, Development, Protection, Participation at Governance. (UnliNews Online)

