Wednesday, August 26, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsP320-M damage assessment sa Bulacan, bahagi ng Central Luzon briefing ni PBBM

P320-M damage assessment sa Bulacan, bahagi ng Central Luzon briefing ni PBBM

LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsagawa ng Central Luzon briefing si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa mga apektadong lalawigan at lungsod sa malawakang pagbaha na dulot ng pinalakas na sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Bataan, Zambales, at Angeles City.

Sa isinagawang briefing na isinagawa sa Session Hall ng Pampanga Provincial Capitol noong Agosto 23, iniulat ng Lalawigan ng Bulacan, batay sa partial assessment na isinumite ni Gobernador Daniel R. Fernando, ang tinatayang P135.64 milyon na pinsala sa agrikultura at pangisdaan, P4.64 milyon na pagkalugi sa livestock at poultry, at P180 milyon na pinsala sa imprastraktura, na may kabuuang naitalang pinsala na umabot sa P320.28 milyon.

Samantala, walong lugar sa Bulacan ang nananatiling apektado ng patuloy na pagbaha, kabilang ang Lungsod ng Malolos, Calumpit, Hagonoy, Bocaue, Balagtas, Paombong, Bulakan, at Lungsod ng Meycauayan.

Inilahad naman ni Zambales Governor Hermogenes “Jun” E. Ebdane Jr., Chairperson ng Regional Development Council (RDC) III, ang kumprehensibong ulat para sa buong rehiyon na tumalakay sa malawakang epekto ng pinalakas na Habagat at mga Bagyong Luis, Maymay, at Neneng sa Central Luzon, kabilang ang mga update mula sa mga apektadong lalawigan at lungsod, kabilang ang Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Bataan, Zambales, at Angeles City.

Batay sa presentasyon ng RDC III, umabot sa P933.7 milyon ang kabuuang pinsala sa agrikultura sa buong Central Luzon na nakaapekto sa 22,647 magsasaka at mangingisda na may kabuuang 22,684 ektarya ng lupang sakahan at pangisdaan kung saan naitala ang production losses na umaabot sa 27,120.55 metriko tonelada, habang 17,187 livestock at poultry ang napaulat na nawala.

“Kailangan din nating maunawaan na hindi lang dahil sa problema ng flood control project ang dahilan, kung hindi pati talaga sa lakas ng ulan na hindi pa natin nakita sa kasaysayan ng Pilipinas,” pahayag ni Pangulong Marcos, na binigyang-diin na dapat maisama ang usapin ng climate change sa long-term disaster management at infrastructure planning.

Bilang tugon na pangmatagalang para sa flood mitigation, binanggit ng Pangulo ang planong pagtatayo ng limang Sabo River Dams na magsisilbing harang sa sediment at magamit sa pagpapataas ng water storage para magamit sa mga kabahayan, industriya, at agrikultura.

Pinag-aaralan din ng administrasyon ang panukalang 100-kilometrong dike road na idinisenyo upang harangan ang tubig-dagat mula sa Manila Bay. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News