Friday, October 23, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsMalolos Flood Mitigation Project, tumanggap ng parangal sa 2026 Galing Pook Awards

Malolos Flood Mitigation Project, tumanggap ng parangal sa 2026 Galing Pook Awards

LUNGSOD NG MALOLOS — Kinilala ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa 2026 Galing Pook Awards, para sa makabagong proyektong naglalayong mabawasan ang pagbaha sa pamamagitan ng pangangalaga at pagpapanumbalik ng kalikasan.

Ginawaran ang lungsod sa pangunguna ni Mayor Christian D. Natividad para sa North Manila Bay Nature-based Solutions (NbS) Pilot Project: Building with Nature in Barangay Pamarawan, na inilalarawan bilang kauna-unahang nature-based flood mitigation project sa Pilipinas.

Naging makasaysayang tagumpay ito para sa Malolos matapos mapabilang ang proyekto sa Top 10 Local Government Projects mula sa 19 na kalahok sa naturang pagkilala.

Ipinapakita ng proyekto ang paggamit ng mga solusyong nakabatay sa kalikasan upang makatulong sa pagtugon sa pagbaha at iba pang hamong pangkapaligiran, habang isinusulong ang pangmatagalang katatagan ng mga komunidad sa baybayin.

Ang Galing Pook ay isang prestihiyosong parangal na kumikilala sa mga makabagong programa ng mga lokal na pamahalaan. Naglalayon itong hikayatin ang mga opisyal at komunidad na gumawa ng mga epektibo, malikhain, at likas-kayang solusyon sa mga problema na kanilang kinakaharap.

Samantala, ang proyektong ito ay ang naging hakbang ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos para matugunan ang suliranin ng Barangay Pamarawan mula sa pagbaha na dulot ng malakas na alon tuwing may bagyo o habagat.

Sa tulong ng mga breakwater na gawa sa balat ng talaba at mga coconet, napapahina ang mga alon bago pa man tumama sa komunidad. Hatid din nito ang hanapbuhay para sa mga residente ng Pamarawan, dahil sa oportunidad na maging bahagi ng pagsasagawa ng NbS at pagdami ng mga lamang-dagat na malaking bagay bilang ito ang isa sa kanilang mga pinagkakakitaan.

Ang parangal na ito ay alay ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos para sa bawat isang Maloleño. Ito ang pangarap na unti-unti nang natutupad. At sa pamamagitan ng tiwala, malasakit, at pagkakaisa, tayo ay patuloy na lilikha ng mas malawak pang pangarap tungo sa mas matayog pang tagumpay para sa ating dakilang lungsod. (UnliNews Online)

Source: Malolos CIO

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News