LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Dalawampu’t limang (25) indibidwal na may mga nakabinbing warrant of arrest ang naaresto ng mga operatiba ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) sa magkakahiwalay na operasyon sa lalawigan nu’ng nakaraang araw.
Isinagawa ang mga operasyon alinsunod sa direktiba ni P/Brig. Gen. Jess B. Mendez, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3), bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa mga wanted person.
Layunin ng mga operasyon na matunton at maaresto ang mga indibidwal na may kinakaharap na mga kaso at mapatupad ang mga warrant of arrest na inilabas ng hukuman.
Batay sa ulat na natanggap ng Bulacan Police Provincial Office, isinagawa ang mga operasyon ng iba’t ibang City/Municipal Police Stations at mga yunit ng Bulacan PPO sa buong lalawigan, laban sa mga kasong, RA 9165, Falsification of Public Documents, Illega Posession of Firearms, Slander, Frustrated Homicide, Slight Physical Injuries, Robbery, Qualified theft, Estafa, at Homicide.
Ang mga naarestong indibidwal ay nahaharap sa iba’t ibang kaso at isinailalim sa kaukulang dokumentasyon at legal na proseso bago iharap o dalhin sa mga kinauukulang korte, alinsunod sa umiiral na mga batas at panuntunan.
Sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, patuloy na pinaiigting ng Bulacan PNP ang pagpapatupad ng mga warrant of arrest at iba pang operasyon laban sa mga wanted persons bilang bahagi ng kampanya upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mga mamamayan sa buong lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

