PAMPANGA — “Patuloy lang mangarap para sa negosyo at gawin itong katotohanan para sa Central Luzon.“
Ito ang mensahe ni Senador Alan Peter Cayetano sa mga kabataang negosyante nitong Huwebes (Feb. 27), gamit bilang halimbawa ang Clark at kung paano naging totoo ang pangarap ng marami para sa lungsod.
“In 2007, Senator Pia and I were the few ones who were saying ‘Pagandahin ninyo ang Clark at Subic.’ At that time, it was not yet logical. But now, you go around Clark and you see the changes… It is incredible,” sabi ni Cayetano sa kanyang mensahe sa Young Entrepreneurs of Pampanga (YEP) General Membership Meeting na ginanap sa Clark, Pampanga.
Bilang chair ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, binigyang diin ni Cayetano ang tatlong mahalagang bagay para sa mga kabataang nais magtagumpay na negosyante: vision (pangarap), declaration (pagpapahayag), at repentance (pagbabago ng isip).
Unang binanggit ni Cayetano ang vision, na aniyay parang paggawa ng obra: “In life, the unseen precedes the seen. The unseen is powerful… You already have a vision before the programs are written down and before you see the funding.”
Hinimok din niya ang mga kabataan na mangarap hindi lang para sa negosyo kundi pati na rin para sa Central Luzon. “May mangyayari pang maganda sa Pampanga at Central Luzon. It is your job as young entrepreneurs to see and visualize it,” aniya.
Dagdag niya, hindi lang dapat ito pangarapin kundi ipahayag din. “Dapat mayroong spoken proclamation ang inyong vision,” sabi ng senador.
Pinahalagahan din ni Cayetano ang repentance — hindi lamang tungkol sa pagsisisi kundi sa pagbabago ng pananaw at pag-iisip.
“Repentance is not just saying ‘sorry.’ It’s changing our mindset… If aspiring people then who are now successful businessmen listened to the wrong thinking, where would they be today? Someone surely told them, ‘May pag-asa ka, you can make it,’” paliwanag ng senador.
Bilang kanilang ‘Kuya Alan,’ pinayuhan din niya ang mga kabataan na maging matatag at iwasan ang ugaling “bahala na.”
“Once you have the vision, kailangan may tenacity ka papunta doon. Very clear dapat sa ’yo ang pitfalls and threat. Sabi sa Bible, no one builds a tower without counting the cost,” wika niya.
Bilang isang opisyal, hinikayat din niya ang mga kabataan na samantalahin ang mga oportunidad sa Central Luzon at pahalagahan ang kakaibang pag-iisip at ugali ng mga negosyante.
“I’m happy ngayon na ang nasa background ay ang Pampanga Chamber of Commerce at ang nakaharap ay young entrepreneurs. It’s a good sign that not only are you becoming more active but more assertive. Ang future ay nasa inyo,” sabi pa ng senador.
“Young people, nasa inyo ang pag-asa. We just want you to know that we believe in you. You can do better than us. God bless you!” dagdag niya. (UnliNews Online)