Monday, July 15, 2024
Amana Water Park
HomeNational NewsDFA sa Bulakenyo: Yakapin ang oportunidad sa lumalagong ugnayang Pilipinas at Amerika

DFA sa Bulakenyo: Yakapin ang oportunidad sa lumalagong ugnayang Pilipinas at Amerika

PULILAN, Bulacan — Hinikayat ng Department of Foreign Affairs o DFA ang mga Bulakenyo na yakapin at pasukin, ang iba’t ibang oportunidad na resulta ng muling paglago ng ugnayan ng Pilipinas at ng United States.

Sa ginanap na Usapang Dangal sa North Polo Club sa Pulilan, Bulacan, sinabi ni DFA Undersecretary Ma. Theresa Lazaro, na ngayon ang pinakamainam na pagkakataon upang muling lingunin o balikan ang ugnayan ng dalawang bansa dahil sa paglitaw ng mahabang listahan ng mga oportunidad na nagbukas sa larangan ng connectivity at digitalization, E-Commerce, energy, education, agriculture, defense at tourism.

Ang pagtitipon na ito ng iba’t ibang sektor ng mga Bulakenyo ay bilang maagang pakikiisa sa pagdiriwang ng Ika-77 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Diplomatikong Relasyon ng Pilipinas at United States.

Inorganisa ito ng Dangal ng Bulacan Foundation Inc. sa pakikipagtulungan ng DFA, Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry o BCCI.

Panauhing pandangal si United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson na komprehensibong nagtalakay ng nasabing mga oportunidad na posibleng pakinabangan ng maraming mga Bulakenyo.

Una rito, tiniyak ng ambassador na mas dadami pa ang mga flights na patungo at mula sa United States kapag nabuksan na ang New Manila International Airport o NMIA sa bayan ng Bulakan.

Natamo ng Pilipinas ang Category 1 civil aviation status mula sa United States Federal Aviation Administration o U.S. FAA noong 2014. Nangangahulugan ito na uubrang magbukas ng mga karagdagang flights na mula sa Pilipinas papasok sa west at east coast ng United States.

Bagama’t mayroon na aniyang non-stop flights sa pagitan ng dalawang bansa, hindi basta-basta makapagdagdag ng bagong flights dahil sa limitadong espasyo sa mga airport terminals sa Metro Manila.

Para kay Ambassador Carlson, magsisilbing ‘Launching Pad’ ng Pilipinas ang itinatayong NMIA tungo sa lalong pag-unlad ng ekonomiya at pagpapalakas pa ng ugnayan sa ibang bansa.

Ipinaliwanag niya na hindi lamang ito tungkol sa pagkakaroon ng isang modernong paliparan, kundi magsisilbing mekanismo rin upang lalong mabuksan ang Pilipinas sa mas malaking oportunidad ng pandaigdigang kalakalan. Gayundin ang posibilidad na magresulta sa pagtaas ng kita ng karaniwang mamamayan.

Kaya naman habang nasa kasagsagan pa ang pagtatayo ng NMIA ayon pa kay Ambassador Carlson, kinakailangan din na sabayan ito ng pagpapabuti ng sistema at koneksiyon sa internet.

Bilang ambag sa layuning ito, may halagang P1 bilyon o US$18 milyon ang inilaan ng United States Agency for International Development o USAID para sa proyektong SPEED o Strengthening Private Enterprises for Digital Economy.

Tutulong ito sa mga nasa sektor ng micro, small and medium enterprises o MSMEs upang mas marami ang mai-onboard sa iba’t ibang E-Commerce platforms. Kabilang sa tutugunan nito ang logistical supply chains, pagpapalakas ng E-Payment systems, mga Fintech Innovations at tiyakin ang epektibong consumer awareness and protection.

Binigyang diin pa ng ambassador na maihahanda ang mga MSMEs sa Bulacan at maging ng buong bansa sa paglahok sa binuong Indo-Pacific Economic Framework o IPEF.

Isa itong balangkas kung saan nakasentro sa kapakanan ng mga manggagawa at pangangalaga sa kalikasan ang mga dapat na maging patakaran sa pakikipagkalakalan.

Bilang inisyal na resulta nito, nagkasundo ang Pilipinas at United States na pag-ibayuhin ang kooperasyon sa larangan ng renewable energy gaya ng off-shore wind farm, green metals tulad ng nickel ore processing, battery manufacturing, hyperscaler data centers at mga long-haul trucking industry.

Ibinalita rin ng ambassador na kabilang ang IPEF sa pangunahing pag-uusapan at pagtitibayin, sa gaganaping Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Summit sa California sa United States sa darating na Nobyembre 2023.

Samantala, sa larangan ng alyansa sa depensa ng dalawang bansa, tinatapos na aniya ang US$82 milyong halaga ng mga proyektong imprastraktura sa ilalim ng pinalawak na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA gaya ng pagpapalapad at pagpapahaba ng runway sa Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga at iba pang napagkasunduang lokasyon.

Magagamit ang mga pasilidad na ito sa mga agarang humanitarian response, disaster relief at deterrence o pagpigil sa anumang banta sa seguridad at soberanya. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments