PANDI — Upang matiyak ang isang tapat, malinis, at mapayapang halalan sa darating na 2025 National and Local Elections, matagumpay na isinagawa ang Unity Walk, Peace Covenant Signing, at Interfaith Prayer sa bayan ng Pandi, Bulacan kamakailan.
Dumalo sa mahalagang aktibidad na ito ang mga kandidato mula sa iba’t ibang posisyon, pati na rin ang mga kinatawan mula sa Commission on Elections (COMELEC), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Department of the Interior and Local Government (DILG)-Pandi, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at iba’t ibang religious sectors at ang mga mamamayan ng Pandi.

Ayon kay Mayor Enrico Roque, tumatakbo para sa kanyang huling termino ng paglilingkod, “Nakiisa po tayo sa Unity Walk at Peace Covenant bilang isang simbolo ng ating hangarin para sa isang mapayapa, maayos, at patas na halalan”.
Dagdag pa ng alkalde, “Sa kabila ng pagkakaiba ng ating pananaw at kulay sa politika, iisa lang ang ating mithiin—ang kapayapaan, respeto, at pagkakaisa para sa kinabukasan ng ating bayan. Ang halalan ay isang pagkakataon upang ipakita hindi lang ang ating pagpili ng mga pinuno, kundi pati na rin ang ating malasakit sa bayan—malinis, maayos, at puno ng respeto sa bawat isa”.

Sinimulan ang programa sa isang Unity Walk, kung saan nagmartsa ang mga kalahok sa bayan bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa mapayapa at patas na eleksyon an sinundan ng at Interfaith Prayer.
Lumagda rin sa isang kasunduan ang mga kandidato para sa maayos at mapayapang halalan. (UnliNews Online)

