PILAR, Bataan — Hitik sa matatagumpay na resulta ang natamo ng Pilipinas sa pakikipag-alyansa nito sa dating kalaban na Japan, at pagpapaigting pa ng pakikipagkaibigan sa United States.
Iyan ang iniulat ng mga kinatawan ng nasabing mga bansa sa paggunita sa Ika-83 Taong Anibersaryo ng Araw ng Kagitingan na taunang ginaganap sa Dambana ng Kagitingan sa Mt. Samat, Pilar, Bataan.
Makalipas ng 83 taon, ang Japan ay isang masugid at maasahang katuwang ng Pilipinas sa lalong kaunlaran at seguridad. Muling tiniyak ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuya Endo ang pagtupad nito sa Trilateral Agreement sa pagitan ng Pilipinas at ng United States.
Nakatuntong aniya ang alyansang ito sa pagiging lalong matalik na pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan ngayong magdiriwang ng Ika-70 Taong Anibersaryo ng Diplomatikong Relasyon ang dalawang bansa sa 2026.
Binigyang diin ni Ambassador Endo na mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa nakalipas na 80 taon, sinunod ng Japan ang panata nito para sa kapayapaan at hindi na lilikha o gagawa ng anumang digmaan. Patunay aniya rito ang pagkakaroon ng malaking papel ng Japan para sa isang Free and Open International Order.
Isang malaking halimbawa rito ayon sa ambassador ang ratipikasyon ng Reciprocal Access Agreement (RAA) ng Pilipinas at Japan na isang bersiyon ng military at defense cooperation.
Bago nito, nauna nang nagkaroon ng resulta ang Strategic Partnership Agreement ng dalawang bansa kung saan nakumpleto na ang paglalagak ng mga Air Surveillance Radar System sa mga istratehikong bahagi ng Pilipinas. Gayundin paggawa ng mga multirole response vessels para sa Philippines Coast Guard (PCG) sa pamamagitan Official Development Assistance (ODA).
Nananatiling ang Japan ang may pinakamalaking pinagkukuhanan ng ODA ng Pilipinas na iginugugol para sa pagpapatayo ng mga malalaking imprastraktura tulad ng 147-kilometer North-South Commuter Railways System at ang Metro Manila Subway Project.
Kinilala rin ni Japanese Ambassador Endo ang matagumpay na proyektong 94-kilometero na Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), na pinondohan din ng ODA ng Japan, dahil sa kontribusyon nito na mapaunlad ang Gitnang Luzon bilang bagong logistics hub.
Sa bahagi ng United States, ipinaalala ni Deputy Chief of Missions of the United States Embassy in the Philippines Y. Robert Ewing, na hindi nakakalimot ang kanyang bansa ‘Ironclad’ commitment nito upang ipagtanggol ang Pilipinas na mapangalagaan ang soberenya nito.
Panata na aniya ito ng United States sa loob ng 365 na araw kada taon, kaya’t magpapatuloy ang pagsasagawa ng mga Balikatan Exercises upang isulong ang interoperability at kahandaan ng dalawang sandatahang lakas.
Patunay dito ang nagaganap ngayong Cope Thunder Philippines (CT PH 25-1) sa pagitan ng Philippine Air Force at ng United States Pacific Air Force (PACAF), sa mga pangunahing lugar sa Luzon tulad Clark at Basa Air Bases sa Pampanga at sa Col. Ernesto Ravina Air Base sa Tarlac.
Layunin nito ng Cope Thunder Philippines na mapaigting ang pagtutulungan ng dalawang bansa na sumangga sa mga banta na kinakaharap partikular ng Pilipinas. Magbibigay din aniya ito ng pagkakataon na makapagsanay ang Philippine Air Force sa napipintong pagbebenta ng United States ng mga F-16 Fighter Jets sa bansa.
Bukod sa pagtulong na padepensahan ang soberanya ng Pilipinas, tutulong din ang United States na sa paglaban sa iba’t ibang uri ng cybercrimes at maipatupad ang mga bagong economic partnerships sa larangan ng energy at infrastructure development.
Kasalukuyan nang sinisimulan ang pagpapatupad sa 123 Agreement o ang Civil Nuclear Cooperation Agreement, kung saan tutulong ang mga kompanya mula sa United States sa pagpapatayo at pagpapatakbo ng mga planong Modular Nuclear Power Plants sa Pilipinas.
Nagsisimula na ring makahikayat ng mga mamumuhunan ang umiiral na Trilateral Agreement sa pagitan ng Pilipinas, Japan at ang United States para sa katuparan ng isang Luzon Economic Corridor. Pangunahing proyekto nito ang pagpopondo at pagpapatayo sa isang freight railways system na babaybay mula Subic, Clark, Metro Manila and Batangas.
Ginawang flagship ng United States at Japan ang Pilipinas sa pagpopondo ng mga ganitong uri ng proyekto sa ilalim ng Group of 7 (G7) Partnership for Global Infrastructure and Investment (PGII).
Itinakda ng Pilipinas, Japan at ng United States na ang pinakalundo ng pakikipag-alyansa sa isa’t isa ay ang pagtitiyak na maging permanente ang kapayapaan sa sangkatauhan.
Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglilingkod ang mga nasa pamahalaan upang patuloy na humanap ng mga pamamaraan na mapanatili ang kapayapaan at gawing permanente o pangmatagalan ito. Kung mapapanatili aniya ang kapayapaan, mamumuhay ang mga mamamayan na may sapat na kita, produktibo at panatag.
“As we, who serve the public continue to find ways to keep that peace, to make that peace more permanent, to maintain that peace so that our people live a good and profitable and productive, constructive life,” ani Pangulong Marcos. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan