CAMP OLIVAS, Pampanga — Patuloy ang pinaigting na kampanya ng Police Regional Office 3 (PRO3) laban sa iligal na droga matapos ang magkakahiwalay na operasyon sa Gitnang Luzon na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga High-Value Individuals (HVI) at pagkakakumpiska ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1.6 milyon noong Lunes (April 28).
Dakong 12:06 ng tanghali, sa Brgy. San Isidro, Sta. Rita, Pampanga, naaresto si alyas “Saudi Boy,” 40 taong gulang at residente ng Brgy. Colin, Bagong Hermosa, Bataan. Isinagawa ang operasyon ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Pampanga PPO, katuwang ang Sta. Rita MPS at sa koordinasyon ng PDEA Region 3.

Narekober mula kay “Saudi Boy” ang tinatayang 179 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P1,217,200.00, isang SYM 100 na motorsiklo, at isang itim na Realme cellphone.
Samantala, bandang 1:20 ng hapon sa Brgy. Malabanias, Angeles City, nadakip sina alyas “Joma” at “Bonsai,” na kapwa nasa Regional HVI Priority List, sa buy-bust operation na isinagawa ng Angeles City Drug Enforcement Unit (ACDEU), City Intelligence Unit (CIU), at Police Station 4 ng ACPO. Nasamsam mula sa mga suspek ang humigit-kumulang limang (5) gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P34,000.00.
Sa sumunod na operasyon dakong 4:50 ng hapon sa Brgy. Saguing, Dinalupihan, Bataan, naaresto sina alyas “JC,” 33 taong gulang, at alyas “Andrei,” 29 taong gulang, sa isinagawang buy-bust ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Dinalupihan MPS. Nakuha sa kanila ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 65 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P442,000.00.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pahayag ni Brig. Gen. Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, kanyang sinabi: “Ang sunod-sunod na pag-aresto sa mga high-value individuals ay patunay na hindi nagluluwag ang PRO3 sa laban kontra iligal na droga. Determinado kaming linisin ang Gitnang Luzon mula sa salot na ito. Hinihikayat namin ang publiko na makiisa sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad upang sama-sama nating mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.” (UnliNews Online)